DTI: Ilang Noche Buena items, may taas presyo na
Spread the news on:

(File)

Ilang Noche Buena items na ang nagtaas ng presyo, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, nasa 1 hanggang 5 porsiyento ang itinaas ng presyo ng ilang pagkaing inihahanda sa Pasko.

“Sa computation natin merong mga 1 to 5 percent na pinakamaraming produkto. And then yung 6-10 percent, medyo marami rin, merong mga ilan-ilan na above 10 percent yung itinaas,” sabi ni Usec. Ruth Castelo.

Ayon sa opisyal, hindi naglalabas ng suggested retail price ang kagawaran para sa mga pagkaing pang Noche Buena.

Pero giit ni Castelo, may sapat na dahilan para magtaas ng presyo ang ilang manufacturer.

“Yung nag-increase ng above 10 percent, nakita naman natin kasi they have been sending advisories to DTI, and we have also been requesting data to study,” sabi ni Castelo.

Sang-ayon si Castelo na may sapat na dahilan ang manufacturers sa pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto at hindi rin umano ito mapipigilan.

Justified kasi yung dahilan talaga nila. Alam naman natin, presyo ng tin can, presyo ng papel, yung packaging…presyo ng pork na ini-import nila to use doon sa ham products, yan alam natin yung presyuhan talaga in the international market, even logistics kasama at fuel siyempre,” ayon pa kay Castelo.

Pero patuloy na nanawagan si Castelo sa mga manufacturer at retailer na maghinay-hinay sa pagtaas ng presyo ng mga pagkaing pampasko.

“Para sa manufacturers, sa panahon ngayon, alam naman po natin hindi tayo lahat nakakaluwag, marami din po satin ang medyo nahihirapan so sana po alalay lang kung mag-i-increase man ng presyo lalo na sa produktong hindi naman kino-control ng DTI, absolute minimum lang sana yung galaw.”

“Even retailers kasi, nagtataas ng presyo yan on their own. So sana alalay lang rin ang pagtaas nila ng presyo, yung mga produktong outside DTI bulletin,” giit pa ni Castelo.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.