San Juan mayor Francis Zamora bagong pangulo ng Metro Manila Council
Spread the news on:

(Photo: Mayor Francis Zamora sa joint meeting ng Metro Manila Council at Regional Development Council, Nov. 26, 2022. Courtesy: Mayor Zamora Facebook)

Nahalal si San Juan City Mayor Francis Zamora bilang bagong pangulo ng Metro Manila Council.

Ito’y kasabay ng isinagawang joint meeting ng grupo kasama ang Regional Development Council (RDC) nitong Sabado ng gabi.

Napili rin si Zamora bilang vice chairperson ng RDC.

“Unang-una sa lahat ako ay nagpapasalamat po sa bumubuo sa Metro Manila Council, kay MMDA Chairman Artes, sa lahat ng Metro Manila Mayors maraming salamat sa tiwala sakin,” ani Zamora sa isang session na isinagawa sa San Juan City.

Kabilang sa mga dumalo bilang council members ay sina Pateros Mayor Mike Ponce III, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr., Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, Manila City Mayor Honey Lacuna, Malabon City Mayor Jeannie Ng-Sandoval, at si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose “Jerry” Acuzar.

Bagama’t batid ni Zamora na maaaring minsan ay may mga hindi pagkakasunduan, siniguro niya na gagawin niya ang makakaya upang pagkaisahin ang lahat ng mga namumuno sa mga lungsod.

“Unang termino ko bilang mayor naranasan natin ang pandemya, nakita ko gaano kalaki ang bagay kung ang labing pitong mayors sa Metro Manila ay nagkakaisa,” paliwanag niya.

“Minsan posibleng hindi kami magkasundo pero iba pa din may isang boses at isang desisyon,” dagdag niya.

Kabilang sa matinding usapin ng mga alkalde ng MMC ay ang pangakong paglutas sa problema sa trapiko sa Metro Manila.

“Bumabalik na sa normal ang buhay natin. Ibig sabihin nag lalabasan na mga mamamayan so kailangan natin gumawa ng mga hakbang upang solusyonan ang traffic sa metro Manila,” ani Zamora.

Samantala, sinabi pa niya na ang peace and order ang kanyang magiging top priority.

“Ito ay simula pa lang. Sa dadating na linggo na dapat pag usapan. Lahat dapat naririnig at napapansin upang magkaroon ng desisyon Ang MMC na buo at solid,” sabi ng alkalde ng San Juan.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.