Malamawi Island sa Basilan isinusulong na gawing ecotourism zone
Spread the news on:

(Photo Courtesy: Mindanao Island Travel and Tours FB)

Isinusulong ng isang mambabatas na maideklarang isang ecotourism zone ang Malamawi Island sa Basilan.

Sa House Bill 6293 na inakda ni Basilan Representative Mujiv Hataman,  sinabi niya na isang “livelihood measure” na maideklara ang Malamawi bilang ecozone dahil ito ay tiyak na magdadala ng economic advantage at tourism potential sa lalawigan.

“Panahon na para magbunga naman ang pinagtulung-tulungan at pinaghirapang kapayapaan para sa kapakanan at ikauunlad ng mga komunidad sa Basilan,” ayon kay Hataman.

“Sa katunayan, madami na ang pumupunta sa Malamawi Island para magbakasyon dahil tunay na napakaganda ng tanawin doon. Ang nakikinabang sa maraming bisita ay ang mga komunidad sa isla sa ilalim ng pagpapatnubay ng lokal na pamahalaan ng Isabela City, Basilan,” dagdag pa niya.

Ang Malamawi ay isang isla sa Basilan na may mahabang white sand beach, kulay asul na tubig, may maganda at nakamamanghang tanawin.

(Photo Courtesy: Mindanao Island Travel and Tours) 

Sa ilalim ng panukala ni Hataman ay hiniling niya na sa oras na maideklara ang isla bilang ecotourism zone ay dapat na iprayoridad ng Department of Tourism (DOT) ang development sa isla.

Katuwang ang local government ay dapat ding bumalangkas ng tourism development para mas lalong makahikayat ng mga turista.

“Any tourism development plan of the DOT should be consulted with the Department of Environment and Natural Resources so that any activities and development to be carried out in the area should conform with the concept of ecotourism,” ayon pa sa panukala ni Hataman.

Sinabi rin ni Hataman na ang Malamawi Island ay maihahalintulad sa Boracay at Siargo kaya umaasa siyang pagtutuunan ito ng pansin ng national government.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.