Bank loan agreement ng BuCor nabuking; posibleng katiwalian sinisilip
Spread the news on:

(File photo)

Sinisilip ang posibleng paglabag sa anti-graft and corruption law ng Bureau of Corrections (BuCor) sa pamumuno ni suspended Director General Gerald Bantag.

Ito’y kaugnay sa pagpirma niya ng kasunduan para payagan ang mga empleyado ng ahensya na humiram ng pera sa isang bangko.

Sinabi ni BuCor officer-in-charge Greg Catapang Jr., tinitingnan ng ahensya ang mga pinansyal na transaksyon kaugnay ng kasunduan.

“May isang financial institution na pumasok. We would like to know if these transactions are valid. Dahil sa ayaw natin na ang mga preso ay nagpapagatas ng baka, gayundin, hindi natin intensyon na gawing mga empleyado ang ating mga kababayan, ang pamilya ng BuCor, bilang mga gatasan pagdating sa mga pautang,” ani Catapang.

Sa isang dokumento na may petsang Abril 27, ibinigay ni Bantag kay dating BuCor Director for Administration CT/CSupt. John Paul Santos ang espesyal na awtoridad na pumasok sa isang kasunduan sa pribadong bangko.

Noong Mayo 10, lumagda si Santos, sa ngalan ng BuCor, ng memorandum of agreement  sa City Savings Bank na nag-aalok ng multi-purpose loan sa mga empleyado.

Ang pagbabayad ay sa pamamagitan ng salary deduction mula sa payroll ng BuCor, ayon sa napagkasunduang iskedyul ng amortization ng pautang.

“Nakita nila na can help talaga si City Savings kaya nag-MOA tayo kay City Savings as approved. Then in-acquire niya ang loans, parang sinalo niya ang ₱35-million ata ‘yun, parang ₱300-million pala ‘yun. Ang laki ng loan sa GSIS pero sinalo ni City Savings. Nagpa-loan siya kay personnel at winelcome pa niya ang ibang personnel na gusto mag-loan,” ani Santos sa CNN Philippines.

Sa kontrata, mayroon ding pangako mula sa City Savings Bank na bayaran ang BuCor ng isang porsyento ng kabuuang koleksyon bilang administration and service fee.

Ipinaliwanag ni Santos na ang halaga ay gagamitin sa pagbabayad ng mga kagamitan sa opisina, maintenance, at allowance para sa mga empleyadong namamahala sa mga aplikasyon ng pautang.

Nang tanungin kung maaaring paglabag sa anti-graft and corrupt practices law, sinabi ni Catapang na posible.

Pansamantalang itinigil ng BuCor ang pagpapadala ng mga nakolektang bayad sa utang sa City Savings Bank habang nakabinbin ang pagrepaso sa kontrata.

Kinumpirma ng City Savings Bank sa CNN ang kanilang kasunduan sa BuCor na magpahiram ng pera sa mga empleyado ng ahensya.

“We do have an agreement with the Bureau of Corrections to lend to employees. To date, their employees have already availed of the services based on the signed MOA. As of today, payments of employee loans from BuCor are updated,” anang bangko.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.