60 preso na natengga nang matagal sa morge inilibing na; kalansay nahukay naman sa DOJ compound
Spread the news on:

Nailibing na ang 60 bangkay ng mga preso ng New Bilibid Prison na matagal na nakatengga sa isang punerarya sa Muntinlupa City.

Pasado alas-7 ng umaga ngayong Biyernes nang ihimlay sa New Bilibid Prison Cemetery ang inmates na ang ilan sa kanila ay mahigit 11 buwan natengga sa morge.

Bago nito, Nobyembre 9, aabot sa 10 bangkay ng mga preso ang inilibing ng Bureau of Corrections (BuCor).

Nadiskubre ang mga bangkay ng Bilibid inmates matapos umapela sa gobyerno ang Eastern Funeral Homes dahil sa 176 na bangkay na matagal nang nakatambak sa kanilang morgue.

“Halos lahat nang namamatay sa Bilibid dito talaga, maliban na lang sa COVID case nila. Di kasi kami nagkikita noong ano nila eh…’yung mga namatay sa COVID. Nung time kasi ng mga namatay sa COVID bale sila po nagpapa-cremate eh,” ayon kay Bucani sa panayam noong Nobyembre 7 ng GMA News.

Nabanggit ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang na kaya naipon ang mga bangkay ay maaaring dahil sa kakulangan ng maayos na sistema o kaya’y hindi kaagad naabisuhan ang mga kamag-anak.

Samantala, nadiskubre ang bungo at kalansay ng tao sa main office ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura, Manila, kahapon, Huwebes, Nov. 24.

Nahukay ito ng mga construction wokers sa lugar kung saan itinatayo ang bagong DOJ library building.

“Merong mga skeletal remains na narecover because of the ongoing construction. Syempre, like any, we treat it like a crime scene.” ayon kay Justice Undersecretary Brigido Dulay.

Iniutos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na agad ipasuri ang bungo at kalansay.

“We will have the same examined by the NBI,” ayon kay Remulla.

Noong 2005, nadiskubre rin ang limang bungo at mga kalansay ng tao sa compound ng DOJ kung saan itinayo ang ngayo’y Forum building na opisina ng mga state prosecutor.

Dati nang sinabi ng isang administrative official na nagtalaga ang mga sundalong Hapon noong 2nd World War ng mga kawal na nakaposte kung saan nakatayo ngayon ang DOJ building.

(NP with report from Toni tambong)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.