P5.268T national budget para sa 2023 aprubado na ng Senado
Spread the news on:

(Photo: Senate President Juan Miguel F. Zubiri sa pag-apruba sa P5.268 trillion national budget para sa 2023. Nov. 23, 2022. Courtesy: Senate of the Phils. FB)

Lusot na sa plenaryo ng senado ang panukalang P5.268 trillion na national budget para sa 2023.

Ito ay matapos na aprubahan ng mga senador sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado nitong Miyerkules, Nobyembre 23.

Nakakuha ng 21 boto pabor sa panukala na walang kumontra at walang abstention mula sa mga senador.

Halos isang linggo lamang ay aprubado na at tinapos na ang serye ng interpelasyon at debate sa proposed budget para sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Ang 2023 General Appropriations Bill ay ipinasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkaparehong araw na may ilang pag-amyenda.

Dahil sa nauna nang sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala na urgent, pinapayagan ang Senado na aprubahan ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkaparehong araw.

Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na magsisimula sa Biyernes, Nobyembre 25, ang bicameral conference committee meetings upang mapagkasunduan ang mga hindi tugmang probisyon na inilatag ng Kamara at Senado.

Ang mga naitalagang miyembro ng bicameral conference committee ay sina Angara, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senators Pia Cayetano, Imee Marcos, Cynthia Villar, Mark Villar, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, Francis Tolentino, JV Ejercito, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero at Jinggoy Estrada.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.