Makabayan Bloc: Nuclear deal ng US at Pilipinas busisiin
Spread the news on:

(Photo: Rep. France Castro ng ACT Teachers Party list at miyembro ng Makabayan Bloc. House of Representatives Phils. FB)

Gusto ng Makabayan Bloc na busisiin ang nuclear deal ng United States sa Pilipinas.

Kaya agad na naghain ng resolusyon ang Makabayan Bloc para paimbestigahan ang inanunsyo ni US Vice President Kamala Harris na nuclear energy cooperation deal sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas.

Ayon kina ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Daniel Manuel, lubhang napakadelikado nito sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino at maging sa kapaligiran.

Dagdag pa nila, tila gagawin nitong “guinea pigs” ang mga Pinoy sa mga isasagawang nuclear equipment testing.

“Ang mahirap dito baka tayong mga mamamayang Pilipino ang ma-1-2-3 at maging mga “guinea pig” ng teknolohiyang ito na tine-testing pa lang ng US,” sabi ni Castro sa isang pahayag.

Sa White House fact sheet na inilabas nitong Lunes, Nobyembre 21, ang 123 Agreement o Nuclear Energy Cooperation Deal ay maglalatag ng legal na basehan sa pag-aangkat ng mga nuclear equipment at materyales mula US patungong Pilipinas.

Layon nitong suportahan ang ugnayan ng dalawang bansa sa zero-emission energy at non-proliferation ng nuclear weapons.

Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, ikino-kunsidera ng administrasyong Marcos ang pagdadala ng US-developed small modular reactors dito sa bansa.

“As it is, modular or microreactor nuclear power plants are still at an experimental stage and are only legally being made in US bases. Early this year, the Pentagon’s Strategic Capabilities Office announced the construction and testing decision that followed the office’s Environmental Impact Statement work for Project Pele,” ayon pa kay Castro.

Sabi pa ni Castro, dahil umano sa malaking banta sa kalusugan ng mamayan, kaya nararapat lamang na malaman ang mga kondisyon ng nasabing kasunduan.

“Given the high threats posed to the health and safety of Filipinos and our environment by experimental nuclear technology, it is therefore urgent that Congress and the Filipino people are clued in on the proposed terms and conditions and other details of the said 123 Agreement,” dagdag pa niya.

Matatandaan na nitong Hulyo ay sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na prayoridad niya ang paggamit ng renewable energy sources kabilang na ang nuclear energy upang matugunan ang problema sa climate change at disaster resilience capability ng bansa.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.