P20K halaga ng paputok nakumpiska sa Divisoria
Spread the news on:

(Photo: Ilan sa mga ipinagbabawal na paputok na ibinebenta sa Divisoria, Maynila.  Courtesy: Ban Toxics)

Aabot sa tinatayang P20,000 na halaga ng mga ipinagbabawal na paputok ang nakumpiska ng mga otoridad sa Divisoria sa Maynila, isang buwan bago sumapit ang kapaskuhan.

Ayon sa MPD-Station 11, walang makikitang nagbebenta ng paputok sa Divisoria ngunit kapag nagtanong ang isang buyer ay  ilalabas ito ng vendor o nagtitinda.

Nakatago umano ito sa iba pang paninda sa bangketa upang hindi lantarang makita dahil ito ay ipinagbabawal.

Pinangunahan ni P/Major Bernardino Venturina ng Juan Luna PCP ang pag-iikot sa Divisoria partikular sa M.D Santos Binondo, Manila.

Kabilang sa mga nakumpiskang paputok sa operasyon ay whistle bomb, 5 star, baby rocket, picollo  at iba pa.

Ang Executive Order No.28 o ang Prohibited Types of Firecrackers and Pyrotechnic Devices ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nananatiling may bisa kung saan inaatasan ang Philippine National Police (PNP) na tukuyin ang mga paputok na maaring ibenta upang maayos at makontrol ang paggamit nito.

Payo ng MPD-Station 11 sa publiko, mainam na huwag nang tangkilikin ang mga ipinagbabawal na paputok dahil napakadelikado ito lalo na sa mga bata na madalas inaakalang laruan o napaglalaruan ang mga paputok.

(Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.