“MMK” magpapaalam na matapos ang mahigit tatlong dekada
Spread the news on:

(Photo courtesy: ABS-CBN Entertainment)

Pagkatapos ng 31 taon, tuluyan nang magpapaalam sa ere ang binansagang Asia’s longest-running drama anthology na “MMK,” inanunsyo ito ng host ng programa na si Charo Santos-Concio, Lunes, November 21.

“Maalaala Mo Kaya” ang orihinal na pamagat ng programa nang magsimula noong 1991 hanggang sa ipinalit ang bagong title na “MMK.”

Tuwing Sabado ng gabi, inaabangan sa mga tahanan ang mga istoryang hango sa tunay na kwento ng letter senders.

“Hindi na po mabilang ang nasalaysay na kuwento dito sa ‘MMK’ — mga kuwentong totoo, mga salamin ng sarili ninyong buhay na nagbigay ng aral at ng panibagong pag-asa,” ayon kay Santos-Concio.

Dahil sa dami ng mga tumatangkilik, pinalawak pa ang title nito na ginamit bilang radio program, pelikula noong 1994 at comic book adaptation.

Isa rin sa inaabangan ng mga manonood ay ang pamagat ng bawat kwento. Ang guessing game ng title episode ay talaga namang nagmarka sa pop culture.

“Kami po ay tagapaghatid lang ng mga kuwento,” sabi ng ABS-CBN executive.

“Kung mauulit man ang lahat, hindi po ako magdadalawang isip na piliin muli ang role na ito. Kulang po ang tatlumpu’t isang taon para magpasalamat sa inyo,” dagdag ni  Santo-Concio.

Magtatapos sa December 10, 2022 ang “MMK” tampok ang tatlong parte ng episode mula November 26, na isasabay sa pagdiriwang ng 31st anniversary ng nasabing programa ng ABS-CBN.

“Gusto ko pong magbigay-pugay sa lahat ng nagpadala ng sulat, sa aming mga direktor, writers, researchers, production staff, at sa lahat ng naging bahagi ng aming programa,” mensahe ni Santos-Concio.

“Sa mga artistang gumanap, maraming, maraming salamat. Sa management ng ABS-CBN, sa aming mga sponsors at higit sa lahat sa inyong mga tagapanood, kayo po ang nagsabing makahulugan sa inyo ang aming ginagawa,” dagdag pa niya.

Malaking hamon sa ABS-CBN ang pagkawala ng prangkisa nito noong 2020 na sumabay sa matinding krisis dulot ng pandemya.

Sa kabila naman ng broadcast shutdown, kabilang ang “MMK” sa mga programang nagpatuloy na umere sa digital at traditional broadcast platforms.

Sa kanyang mensahe, nagpahiwatig si Santos-Concio sa posibilidad na sa susunod ay maaaring magkita-kita rin sila ng kanyaang mga manonood.

“Salamat po sa lahat ng nakaraan at sa anumang paraan na maaaaring pa tayong muling magkita,” saad ng host.

“Ito po si Charo Santos, ang inyong tagahanga at tagapag-kuwento.”

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.