PCSO: Walang iregularidad sa 433 winners ng Grand Lotto 6/55
Spread the news on:

Nanindigan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na walang iregularidad at isang “natural occurence” lamang ang pagkakapanalo ng 433 mananaya sa Grand Lotto draw nitong Sabado, Oktubre 1 na may jackpot prize na P236.091 milyon.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles ngayong araw, Oktubre 2, ang karamihan umano ng mga mananaya ay kumapit sa numerong “9” na maituturing na lucky number, kasama na rin ang mga multiples nito.

“Since this is a game of chance, there is no right, there is no wrong, alam niyo ‘yun. In this case nga, tinamaan nila ‘yun. Nag-pay off ‘yung kanilang loyalty, kaya nga lang marami talaga sila,” ani Robles sa isang pulong balitaan.

Paghahayag rin ng PCSO, bago pa lamang ang draw noong Sabado, marami na umanong mga mananaya ang nagpuwesto ng kanilang mga numero na pawang mayroong numero “9” o mga multiples nito na mayroong 33 mananaya noong Setyembre 20 samantala 264 mananaya noong Setyembre 26.

“We have found nothing wrong. In fact it’s a natural occurrence na may mga nag-aalaga at may maraming nananalo kapag tinamaan ‘yun,” pagdidiin ni Robles.

“Wala kaming nakikitang babaguhin doon and we are in fact pleased na marami ang nanalo, actually, lalo’t magpapasko,” dagdag pa niya.

Sinegundahan naman ito ng OCTA Research group fellow at University of the Philippines’ Institute of Mathematics Professor Dr. Guido David na ang posibilidad na makatama ng anim na numero sa 55 numero ay “1 out of 30 million.”

“Baka naman may possibility dahil may pattern, ito ay mas maraming pumusta sa ganitong sequence ng numbers dahil may pattern nga, so hindi naman natin sinasabing imposible,” ani David sa panayam ng DZBB.

Ngunit sa usapin na mahigit 400 na nanalo, duda si David.

“Napakaliit ng probability na may 400 na manalo nang sabay sabay.”

Matatandaan nauna na ring pinuna ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang tila iregularidad sa dami ng mga nanalo sa lotto draw at humiling na magkaroon pa ng imbestigasyon para rito.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.