Sugar producers: Mababang presyo ng asukal asahan sa kapaskuhan
Spread the news on:

(File photo)

Siniguro ng sugar producers na bababa ang presyo ng asukal sa kapaskuhan dahil sa inaasahang pagdami ng suplay nito simula Nobyembre.

“I can guarantee you, I give you my word. Babagsak ‘yung presyo at saka dami-daming sugar for December… White Christmas,” sabi ni United Sugar Producers Federation of the Philippines (USPFP) President Manuel Lamata sa panayam ng GMA.

“Umiipon pa ‘yung sugar mills, iniipon pa ‘yung mga raw para sa pag-fire up ng refinery, tuloy-tuloy. So that’s scheduled for I think middle of November,” dagdag ni Lamata.

Inaasahan, aniyang, muling mapapako sa P70 hanggang P80 kada kilo ang refined sugar pagdating ng 150,000 metriko toneladang iniangkat na asukal sa ilalim ng Sugar Order No. 2.

Samantala, umaasa naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na bumaba pa sa P65 hanggang P70 per kilo ang presyo ng asukal dahil magsisimula na sa susunod na buwan ang pag-ani ng tubo sa bansa, na madaragdagan pa ng pagdating ng imported na asukal.

Nakiusap naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Puregold, SM at Robinsons Supermarket na panatilhin ang P70 per kilo na puting asukal hanggang pasko. Ang pagbenta ng mas mababang presyo ay una nang hiniling sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Base sa huling monitoring ng Department of Agriculture ngayong linggo, naglalaro ang presyo ng refined sugar sa mga pamilihan sa P95 kada kilo, ang washed sugar naman ay P75/kilo at ang brown sugar ay P70 kada kilo.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.