Palasyo, kumambyo sa pahayag na si Marcos lang ang pinaunlakang makapulong ni US president Biden sa UNGA
Spread the news on:

(Photo: Bilateral meeting nina Pres. Ferdinand Marcos Jr. at US Pres. Joe Biden sa sidelines ng 77th United Nations General Assembly sa New York, Sept. 22, 2022. Courtesy: Pres. Marcos Facebook)

Nilinaw kahapon ni Press Sec. Trixie Cruz-Angeles ang nauna niyang pahayag na si Pang. Marcos lang ang tanging head of state na pinaunlakan ni Pres. Biden na makipagpulong sa kanya sa sidelines ng UN General Assembly.

Sa isang pahayag, inamin ni Angeles na bukod kay Marcos, nakipagpulong din doon si Biden sa ibang world leaders.

“Ang ibang mga meeting ni Pangulong Biden ay mga dati nang napagkasunduan, pero na postpone at itinuloy na lamang sa pagkakataon na ito,” paliwanag ni Angeles.

“Tanging ang request na makipagpulong ni Pangulong [Marcos] [a]ng napaunlakan sa sidelines,” pagdidiin pa ng press secretary.

“Ipagpaunmanhin nawa ang kaunting kalituhan sa naunang statement.”

Sa White House official website, nakalagay na nakipagpulong si Biden sa ilang leaders matapos ang speech niya sa UNGA.

Kabilang dito sina French President Emmanuel Macron, British Prime Minister Liz Truss, South Korean President Yoon Suk Yeol and Japanese Prime Minister Fumio Kishida.

Samantala, naniniwala si House Speaker Martin Romualdez na magiging mas matibay ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos kasunod ng pulong nina President Joe Biden at President Ferdinand Marcos Jr. sa New York nitong Huwebes.

“The productive meeting augurs well for the overall relations between our two countries. I can see the meeting fostering an improved bilateral partnership in those areas,” ani Romualdez.

Sabi pa ng House Speaker, ang Amerika ang isa sa mga pangunahing katuwang ng Pilipinas pagdating sa ekonomiya, pamumuhunan, kultura at pagdepensa sa seguridad ng bansa.

Tiwala si Romualdez na ang pulong ng dalawang lider ay magreresulta sa mas marami pang bilateral partnership.

Nakasama si Romualdez nang makaharap ni Marcos sa unang pagkakataon si US President Biden sa United Nations General Assembly (UNGA). Naroon din ang anak ng Pangulo na si Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos.

Muli namang iginiit ni Romualdez ang panawagan ni Pangulong Marcos sa American businessmen na mamuhunan sa Pilipinas.

“They could invest in manufacturing, railways and other infrastructure, power generation, and private-public partnership projects. As President Bongbong Marcos has said, we now have an improved investment climate in the Philippines,” ayon kay Romualdez.

Una nang sinabi ni Pangulong Marcos sa harap ng mga Amerikanong negosyante na hindi niya lubos maisip ang kinabukasan ng Pilipinas nang wala ang Estados Unidos bilang katuwang nito.

(Toni Tambong/NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.