DILG: Masungi Georeserve hindi kinubkob ng armadong grupo
Spread the news on:

(Photo: Masungi Georeserve, Sept. 17, 2022. Courtesy: Masungi Georeserve Facebook)

Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi kinubkob ng grupo ng mga armadong lalaki ang bahagi ng Masungi Georeserve sa Baras, Rizal.

Nitong Biyernes, nagsagawa ng inspeksyon ang DILG kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine National Police (PNP), matapos mapaulat ang umano’y pagkampo ng mga armadong grupo sa lugar.

Sinabi ni DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na ang mga sasakyang nakita sa mga larawan ay naroon lang para ipaayos sa car repair shop.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nalamang mga guwardiya mula sa isang security agency ang mga armadong lalaki na kalaunan ay boluntaryo umanong umalis.

Nakumpiska rin ng mga pulis ang ilang mga armas pero walang naaresto.

Bago nito, humingi ng tulong ang mga caretaker sa gobyerno matapos umanong pasukin ng nasa 30 armadong lalaki ang Km 48 ng Marcos-Infanta Highway na bahagi ng conservation site.

Kasunod ng inspeksyon, iginiit ng DILG na hindi maaaring basta-bastang pumasok ang mga tao na may dalang armas sa mga lupang pinag-aagawan dahil lilikha ito ng tensyon.

“Security or armed forces are not allowed to enter the area without a permit from the PNP especially in a location where there is a contest on the claim of land,” paalala ni Abalos.

“The DENR can benchmark this and identify each and every occupants and claimants. Kami sa DILG ay tutulong upang huwag nang dumami ito,” dagdag ni Abalos.

Naglabas naman ng hinanakit ang Masungi Georeserve Foundation (MGFI) sa harap ng grupo nina Abalos na nagsagawa ng inspeksyon, dahil tila hindi umano umaaksyon ang pamahalaan upang tulungan sila sa pangangalaga ng Masungi Georeserve.

Tiniyak ni Abalos na magtatayo sa lugar ng kampo ng mga pulis para mapanatili ang seguridad at kaayusan sa conservation site.

Iimbestigahan din, aniya, ang mga inirereklamong iligal na istrakturang itinatayo sa loob ng Masungi Georeserve na isa sa mga suliranin ng mga tagapangasiwa nito.

(Toni Tambong/NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.