VP Duterte pinauubaya na sa kongreso ang desisyon sa P500-M confidential fund
Spread the news on:

(Photo: Vice President Sara Duterte dumalo sa plenary budget hearing sa Kongreso, Setyembre 22, 2022. Courtesy: House of Representatives Facebook)

Ipinauubaya na ni Vice President Sara Duterte sa kongreso ang desisyon kung aaprubahan o tuluyang ibabasura ang hiniling niyang P500 milyong confidential funds para sa office of the Vice President sa 2023.

Ito’y matapos gisahin ng ilang mambabatas sa plenaryo ng kamara ang naturang proposed confidential funds nitong Huwebes sa budget deliberations.

Sa interpellation, binusisi ni independent opposition at Albay Rep. Edcel Lagman kung bakit kailangan ng confidential funds ng OVP kahit hindi naman bahagi ng tungkulin nito ang magsagawa ng surveillance.

Tinanong ni Lagman si Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora, na siyang sponsor ng OVP budget, kung sa mga nagdaang bise presidente, mula kina Salvador Laurel, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Teofisto Guingona, Noli de Castro, Jejomar Binay, at Leni Robredo, kung may nakakuha ba sa kanila ng confidential funds.

Sinagot ito ni Zamora na wala sa mga nabanggit ang nagkaroon ng confidential fund.

“Now our understanding is that the Honorable Vice President is not willing to forego not even a single centavo of the P500 million confidential fund allocated in her office,” giit ni Lagman.

Dumalo sa plenary session si Duterte. Sa huli, sinabi ni Duterte kay Zamora na ibibigay na niya sa kongreso ang desisyon kaugnay sa panukalang confidential fund.

“Mr. Speaker if I may, your Honor, the Honorable Vice President has just shared it with me now that she’s saying, she defers to the decision of the majority of this honorable Congress,” paglalahad ni Zamora.

Bago nito, iginiit ni Zamora sa plenaryo na ang pagkakaroon ng confidential funds ay pinapayagan sa ilalim ng batas.

Katunayan, aniya, naglaan ng confidential funds noong 2009, 2010, 2011 at 2012 ang ilang ahensya ng gobyerno.

Dagdag pa niya, layong gamitin ng tanggapan ni Duterte ang nasabing pondo na bahagi ng proposed P2.29 billion OVP budget sa 2023 para sa good governance programs gaya ng subsidiya sa mahihirap, medical at burial assistance at libreng sakay sa bus.

“The Vice President, being a former local chief executive of the City of Davao, who is a staunch supporter of advocacy on peace and order and national security, deemed it proper to be a complimenting partner with the Office of the President in assuring that all of the President’s program will be implemented based also on the perspective of ensuring of a peaceful and secure nation,” ani Zamora.

Sinabi ni Lagman, ang proposed budget ni VP Duterte na P2.29 billion ay 258 percent na mas mataas sa average OVP budget na P639.47 million sa nakalipas na anim na taon.

Aniya, sa anim na taong panunungkulan ni dating pangalawang pangulo Leni Robredo, nabigyan lamang siya ng kabuuang P3.8 billion pondo.

(NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.