Dalawang kilong basura para sa 1 kilong bigas sa Muntinlupa City
Spread the news on:

(Photo: “Bigas sa basura” Project. Courtesy: Muntinlupa City LGU Facebook)

Umarangkada na sa Muntinlupa City ang programang “Bigas sa Basura” na sinimulan nitong Huwebes, Setyembre 22.

Inilunsad ito ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Enviromental Sanitation Center at Muntinlupa Gender and Development Office.

Sa ilalim ng nasabing programa, ang makokolekta ng mga residente na dalawang kilo ng basura tulad ng mga plastik na bote, sachet at plastic na packaging ng biskwit, kape, gatas, sitsirya, at iba pa ay papalitan ng isang kilo ng bigas ng LGU.

Dadalhin ang mga naipong basura sa plastic Flamingo na isang non-government organization na miyembro ng Muntinlupa Solid Waste Management Board.

Ang Flamingo ay isang plastic recycler na gumagawa ng mga eco-product mula sa basurang plastic na ginagamit sa konstruksiyon, disenyo, mga kagamitan, at iba pa.

Layon ng programang himukin ang mga residente na mag-segregate o maghiwalay ng mga basurang biodegradable o nabubulok at non-biodegradable o hindi nabubulok.

Pakay din ng programa na gawing kapaki-pakinabang ang mga residual wastes tulad ng plastic bilang pag-iingat sa kalikasan.

Kabilang sa 7K agenda ng priority programs ng Muntinlupa City ang pangangalaga sa kalikasan.

(Toni Tambong/NP)

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.