CPP sa alok na amnestiya ni Sen. Marcos sa mga nag-alsa noong Martial law: Napakakapal talaga ng mukha
Spread the news on:

(File photo)

Sinupalpal ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Senador Imee Marcos dahil sa naging pahayag niyang handa siya at kanyang pamilya na magbigay ng total amnesty o pagpapatawad sa mga kumalaban sa administrasyon ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

“Napakakapal talaga ng mukha ni Imee Marcos para magpanukala ng amnestiya sa lahat ng mga nanindigan at nagsakripisyo ng lahat para lumaban at mag-alsa laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. na kanilang ama,” ani CPP chief information officer Marco Valbuena sa panayam ng GMA News.

Sabi pa ni Valbuena, walang karapatan si Marcos na mag-alok ng amnestiya dahil mismong ang kanilang pamilya ay hindi pa napagbabayaran ang mga nagawa umanong pang-aabuso at krimen noong batas militar.

“Wala sa katayuan si Imee na mag-alok ng pagpapatawad gayong hindi pa nga sila nakapagbayad sa kanilang mga hindi mabilang na krimen at kasalanan sa taumbayan,” ani Valbuena.

Noong Miyerkules, Setyembre 21, kasabay ng paggunita ng ika-50 anibersaryo ng martial law, pinalutang ng panganay ni dating Pangulong Marcos ang suhestyong magbigay ng total amnesty sa mga taong kumalaban sa pamumuno ng kanyang ama, kabilang ang mga komunistang rebelde at mga dating miyembro ng militar.

“At tulad ng sinabi at ginawa ng aking ama, simulan na rin natin ang usapin ng pagpapatawad ng pamahalaan,” ayon sa senadora.

“Ngayon na ang panahon upang umpisahan ang total amnesty ng kaliwa man at pati na rin ng kanang hanay ng mga nag-kudeta at iba pa. Pagkat ang pagpapatawad ang umpisa ng pagkakaisa,” giit ni Imee.

“Kaya’t magbibigay ako ng bracelet, hindi posas, mula kay Manang Imee – ito ay tanda ng pagiging Super Ate ko sa inyo at sa inyong pamilya. Bilang panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Super Ate ng Presidente ngayon na si President Bongbong.”

(Toni Tambong)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.