6,000 doktor at 4,000 nurse kailangan pa ng DOH
Spread the news on:

(File photo)

Nangangailangan pa ang gobyerno ng mahigit 6,000 doktor at halos 4,000 na nurses sa gitna ng patuloy na paglaban ng Pilipinas sa COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni Marikina Representative Stella Quimbo sa kanyang pagtayo sa plenaryo ng kamara bilang sponsor ng P301-billion budget para sa taong 2023 ng Department of Health.

Ipinagtaka naman ni House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers party-list kung bakit walang nag-a-apply sa mga naturang posisyon.

Sagot ni Quimbo, ang bilang na ito ay bahagi ng 21,021 na hindi pa napupunan ng DOH.

“It is a matter of finding the right people and the right skills. But the DOH is making use of whatever positions are available,” sabi ni Quimbo.

Aminado rin ang mambabatas na pagdating sa hanay ng mga doktor, kaunti ang nais magtrabaho sa government sector dahil sa mas mababang suweldo kumpara sa mga pribadong ospital.

“But rest assured that the agency is working on ways to upgrade the salary grades of our doctors, including psychologists, to address our mental health needs,” ani Quimbo.

Sinabi rin niyang magtatayo ng mga bagong ospital ang gobyerno at mangangailangan ang mga ito ng mga health care workers kaya magandang pahiwatig na mayroong mga posisyon na dapat punan.

Hiniling ni Castro sa DOH na itaas ang suweldo ng mga nars ng gobyerno sa P50,000 kada buwan.

Inamin ni Quimbo na bagama’t maganda ang panukala, pero pinag-aaralan pa ito at kailangang dumaan sa proseso sa gitna ng limitadong pondo ng pamahalaan.

(Jocelyn Domenden)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.