DILG sa LGUs: Pagkumpiska sa lisensya ng motorista bawal
Spread the news on:

(Photo: DILG Sec. Benhur Abalos. Courtesy: RTVM)

Muling nagpaalala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Unit (LGU) na maling kumpiskahin ng mga traffic enforcer ang mga lisensya ng mga motoristang lumabag sa batas trapiko.

Ayon sa DILG, tanging ang Land Transportation Office (LTO) lamang ang may karapatan na gumawa nito.

Sa inilabas na memorandum ni DILG Secretary Benjamin “Benhur’ Abalos na pinirmahan noong September 14, 2022, sa ilalim ng Reiteration of Pertinent Provision on Road Safety and Transportation ay ipinagbabawal na kumpiskahin ng mga local enforcer ang mga lisensya ng mga motoristang may paglabag sa batas trapiko.

Sa probisyon ng DILG-DOTC Joint Memorandum Circular (JMC) No. 01, series 2008, section 3.4, nakasaad na ang mga LGU ay maaaring mag-isyu ng traffic citation ticket ngunit ang LTO lamang at ang kanilang mga deputized agents ang maaaring kumumpiska sa mga drivers’ license.

Sa kasalukuyan ay mas maraming local traffic management units ang naka-deploy sa mga lansangan matapos maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema sa pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Program (NCAP).

Sa halip na mga traffic camera, ang mga enforcer ay bumalik sa pisikal na paghuli sa mga nagkakamali na motorista subalit binalaan ni Abalos na maling kumpiskahin ng traffic enforcer ng LGU ang mga lisensya ng motorista.

Dahil dito, inatasan ng DILG ang lahat ng LGU na suriin ang kanilang mga ordinansa at patakaran sa trapiko upang matiyak na ang kanilang mga traffic management unit ay sumusunod sa nasabing probisyon sa nabanggit na JMC.

Dahil sa muling pagpapalabas ng nasabing memorandum, sabi ni Abalos ay dapat na sundin ito ng mga LGU.

Malaking abala na rin kasi para sa mga motorista na kunin pa ang kanilang lisensya mula sa mga LGU.

Gayunpaman, hindi ito dahilan para hindi bayaran ng mga motorista ang kanilang mga multa sa trapiko sa LGU dahil posibleng magbigay ito sa  kanila ng problema sa susunod na pag-renew nila ng drivers’ license.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.