COMELEC: Pag-iimprenta ng balota para sa BSKE may sapat na panahon pa
Spread the news on:

(File)

Habang hinihintay ang pinal na desisyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sinabi ng Comelec na may sapat pang panahon para sa pag-imprenta at delivery ng mga balota para sa 2022 BSK elections.

Ito ay sa kabila ng mga panawagan na ipagpapaliban ang eleksyon.

Ayon kay Comelec spokesperson Atty.Rex Laudiangco, nireskedyul ng poll body ang ballot printing sa susunod na linggo .

Sinabi pa ni Laudiangco na ang National Printing Office o NPO ay nag-alok na mag-imprenta ng karagdagang security feature  sa balota ng libre o walang bayad .

Aniya, sinabi ng NPO na free of charge at walang gagastusin ang gobyerno sa karagdagang security feature o yaong ascending serial number para maging ligtas ang balota.

Maari naman aniyang makapag-imprenta ang NPO nang nasa isang milyong balota kada araw kung saan tatlong printing machines ang kanilang inihanda.

Ayon sa Comelec, sakaling maipagpaliban ang BSKE na itinakda sa December 5 ay magagamit pa rin naman ang naimprentang balota .

Ayon pa kay Laudiangco, ang pagsasanay ng electoral boards ay gagawin sa November upang makatipid ng pondo dahil sa posibilidad ng pagpapaliban ng halalan.

Samantala, nakadepende naman sa magiging kapalaran ng Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) ang special election para naman sa  7th congressional district ng Cavite, ayon sa Comelec nitong Miyerkules, September 21.

Sinabi pa ni Laudiangco na tinitingnan nila ang dalawang scenario sa pagdaraos ng special polls.

Kung tuloy aniya ang BSKE sa December, itatakda ang special polls sa March 25, 2023.

“If a law was passed postponing the village and youth polls, we are looking into the possibility of setting it this year, perhaps late December 2022 or at the very least, January 2023,” sabi ni Laudiangco.

Noong Martes, September 20, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang ipagpaliban ang BSKE ngayong taon para sa December 2023.

Hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang Senado sa magiging kapalaran ng BSKE sa December kung itutuloy ba o hindi.

Sa kabila nyan, sinabi ni Laudiangco na naghahanda na sila ngayon ng mga resolusyon sa pagdaraos ng mga special polls sa Cavite dahil naipadala na ang permanent vacancy  sa 7th district ng probinsya.

Sinabi pa ni Laudiangco na maglalabas ang Comelec ng resolusyon sa susunod na linggo tungkol dito. Isang bagay ang tiyak aniya na gaganapin ang espesyal na halalan para sa kinatawan ng 7th District ng Cavite.

Naiwang bakante ang posisyon sa Kongreso matapos tanggapin ni elected Representative Jesus Crispin Remulla ang nominasyon ni pangulong Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr. na maging kalihim ng Department of Justice o DOJ.

Itinalaga naman si Commissioner Marlon Casquejo ng Commission en banc bilang  Commissioner-in-Charge para sa Cavite special election.

(Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.