Vhong Navarro kulong sa kasong rape; maghahain ng petisyon para makapag-piyansa
Spread the news on:

(Photo: Mugshot ni Vhong Navarro sa kasong rape na isinampa ni Deniece Cornejo. Courtesy: National Bureau of Investigation Facebook)

Ikinulong ang ABS-CBN actor-host na si Vhong Navarro matapos ihain nitong Lunes, Setyembre 20, ang ikalawang warrant of arrest, para sa kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.

Inilabas ni Taguig Regional Trial Court Branch 69 Presiding Judge Loralie Cruz Datahan ang warrant para sa walang piyansang kaso ng rape, na isinilbi kay Navarro pasado 4 p.m kahapon.

Bago nito, sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang ‘It’s Showtime’ host matapos ilabas ang arrest warrant para sa isa pang kaso na acts of lasciviousness na inihain ni Cornejo.

Naghihintay nalang sana kahapon si Navarro na makalabas ng NBI matapos magpiyansa ng P36,000 nang bigla namang lumabas ang ikalawang warrant.

Ikinagulat ng abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga ang pag-isyu ng warrant sa kasong panggagahasa.

“To be honest hindi namin inakalang ganon kabilis lalabas ang warrant dahil may tatlo kaming nakabinbin na motion. kasama ang motion to quash” ayon kay Mallonga sa panayam ng ABS-CBN.

“Walang ebidensya kaya bakit niyo siya pinakulong? Bakit niyo itinuloy yung pagsasampa ng kaso sa kanya at bakit nagkaroon ng issuance ng warrant of arrest? Bakit?” dagdag ng abogado ni Navarro.

Maghahain ang kampo ni Navarro ng motion for reconsideration at aalamin kung kumpleto ba ang records ng korte mula sa Department of Justice na pinagbasehan ng warrant.

I-aapela rin ng kampo ni Navarro na payagan siyang magpiyansa para makalabas.

Hihilingin din nila sa korte na huwag nang patagalin ang proseso, bagay na inalmahan ng kampo ni Cornejo.

“May proseso po yan, kami po buwan po ang inabot noon aming proseso. Noong kami naman po ang humingi ng bail, bakit naman parang entitled sila na sinasabi nilang pabilisin. That’s unethical,” giit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Deniece Cornejo, sa panayam ng ABS-CBN.

Mariing panawagan din ng abogado ni Cornejo na ilipat sa Taguig City jail si Navarro.

Nag-ugat ang mga kaso batay sa reklamo ni Cornejo na siya’y ginahasa umano ni Navarro sa kanyang condominium unit noong January 22, 2014.

(NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.