Marcos nagpasalamat sa Filipino community sa US sa ambag sa ekonomiya
Spread the news on:

(Photo: Pang. Ferdinand Marcos Jr. hinarap ang daan-daang Pinoy na nagtipon sa Newark, New Jersey, Sept. 18, 2022. Courtesy: President Marcos Facebook)

Binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Filipino community sa Amerika, na una niyang aktibidad paglapag sa Newark, New Jersey nitong Linggo, 11:53 a.m. (oras sa New Jersey).

Nakadaupang-palad ng Pangulo ang mga kababayan na nagtipon sa New Jersey Performing Arts Center. Ang ilang Pinoy ay dumayo pa mula New York at Canada.

Binigyang papuri ni Marcos ang sakripisyo at ambag ng overseas Filipino workers (OFWs) sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas na labis na naapektuhan ng pandemya.

Pinasalamatan at sumaludo rin siya sa medical frontliners para sa kanilang kabayanihan at mahalagang kontribusyon sa pagtugon ng Amerika sa COVID-19.

“Kahit nasa malayo kami ay pinapanood namin kayo, pumuputok po ang puso namin ‘pag nakita namin ang inyong ginagawa na itinataas at pinapatingkad ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo,” ayon kay Pangulong Marcos.

Pinasalamatan din ng Chief Executive ang mga kababayan sa US dahil sa kanilang remittances na pumalo sa 40 porsyento ng mahigit sa $3.4 billion total remittances ng overseas Filipinos.

“‘Yung remittances na pinadala ninyo, alam ko ang iniisip ninyo ay tulungan ang mga pamilya ninyo. Pero kahit hindi niyo nararamdaman, malaking naitulong ninyo sa ekonomiya ng Pilipinas. At siguro hindi lang malaki ang naitulong, binuhay ninyo ang ekonomiya ng Pilipinas,” ayon sa Pangulo.

Nanawagan si Marcos sa OFWs na patuloy na suportahan ang turismo at pamumuhunan sa Pilipinas.

“We have over 10 million kababayans all over the world, and as your President, I understand and know fully well the significant impact of the Philippine diaspora on our motherland, especially in terms of supporting our post-pandemic economic recovery,” ni Pangulong Marcos.

Ang pagbisita sa Filipino community ang unang aktibidad ng Pangulo sa anim na araw na working visist sa US.

Ang pangunahing sadya niya ay ang paglahok sa 77th United Nations General Assembly (UNGA) na gaganapin sa New York.

Inaabangan ang taumpati ni Marcos sa UNGA general debates, na gaganapin sa Martes, September 20, na magsisimula ng 3 p.m., oras sa US.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.