NCR ibinalik sa ‘moderate risk’ dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19
Spread the news on:

Ibinalik ang Metro Manila sa moderate risk classification, mula sa dating low risk, pagdating sa COVID-19 infection.

Ito’y matapos tumaas ngayong linggo sa 16.4 porsyento ang positivity rate o bilang ng mga nagpopositibo sa sakit, mula sa 13.2 porsyento noong nagdaang linggo.

Ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, sa 17 na lungsod at isang munisipyo sa NCR, 11 sa mga lugar na ito ang nasa ilalim ng moderate risk. Hindi na niya tinukoy kung anu-ano ang mga nasabing area.

Isinasailalim sa moderate risk ang isang lugar kapag mayroon itong positive 2-week growth rate sa bilang ng kaso, at average daily attack rate (ADAR) na nasa pagitan ng 1 hanggang 7. Ang ADAR ay ang new cases ng COVID-19 sa loob dalawang linggo, divided sa bilang ng populasyon.

Kahit tumaas ang kaso, sinabi ni Vergeire na nasa low risk case classification pa rin ang kapasidad ng health systems sa Metro Manila.

“Ang kanilang hospital utilization is just at less than 40 percent. For the wards, it’s 39 percent and for ICU it’s just 33 percent,” ayon kay Vergeire.

Anim sa 17 na lugar sa NCR ang nakitaan ng pagtaas ng hospital admissions.

Samantala, ang Pasig at Muntinlupa ang may mas mataas na ICU admissions.

Paliwanag ng DOH, ang pagtaas ng kaso ay posibleng bunsod ng paglabas at pagggalaw ng mga tao dahil sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Hindi pa, aniya, nakikitang dahilan ng pagdami ng kaso ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor settings, na naging epektibo matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang executive order noong Setyembre 12, 2022.

“As I’ve said, it would take us around 1-2 weeks for us to be able to analyze the effect of this easing of masking,” paliwanag ni Vergeire.

Bukod sa NCR, wala pang ibang rehiyon na nakitaan ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Nitong Biyernes, Setyembre 16, naitala ang 2,619 na bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

1,251 sa mga kaso ay mula sa NCR, at ang bilang na ito ang pinakamarami sa rehiyon mula noong Agosto 14.

(NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.