Face mask, kailangan pa rin isuot sa Maynila depende sa lugar at okasyon ayon sa alkalde
Spread the news on:

(Photo: Christian Heramis)

Inanunsyo ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila  ‘mandatory ‘ pa rin ang  pagsusuot ng face mask sa mga tiangge, kapag may fiesta, o iba pang super-spreader events sa lungsod.

Sa kanyang online special report ngayong araw, sinabi ni  Manila City Mayor Honey Lacuna, na alinsunod sa Executive Order no. 3 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ay nag-isyu ang Manila LGU ng Ordinance no. 8901, na amyenda sa Ordinance no. 8627 ukol na sa mandatory na pagsusuot ng face mask sa lahat ng pampublikong lugar sa lungsod ng Maynila.

Nakasaad sa bagong ordinansa na boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask sa “open spaces at non-crowded areas” na may maayos na ventilation, habang ang mga senior citizen, immunocompromised at hindi pa ganap na bakunado kontra COVID-19 ay pinapayuhang magsuot pa rin ng face mask sa lahat ng pagkakataon.

Paiiralin din ang pagsusuot ng face mask sa  “indoor public o private places” at pampublikong transportasyon.

Paglilinaw ni Lacuna, batay pa rin sa nakasaad sa ordiansa ay mandatory pa rin ang  pagsusuot ng face mask sa “heavily crowded spaces at events,” at kung saan ang physical distancing ay mahirap maipatupad.

Ilan sa mga binanggit ni Lacuna na crowded spaces ang mga tiangge,  fiesta celebration tulad ng Kapistahan ng Itim na Poong Nazareno, at iba pang super spreader events na may kinalaman sa panahon ng Kapaskuhan at katulad na mga okasyon, gayundin ang Divisoria na dinadagsa ng mga tao para mamili.

Apela naman ni Lacuna sa mga tutungo sa mga nabanggit na lugar, patuloy na magsuot ng face mask para sa proteksyon nila lalo na ng mga hindi pa bakunado o hindi pa kumpleto ang bakuna at booster shots.

(Jocelyn Tabangcura-Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.