Pamamahagi ng ayuda ng DSWD para sa mga estudyante dinumog
Spread the news on:

(Photo: Dinagsa ng mga estudyante na kukuha ng educational assistance ang DSWD Central Office sa Quezon City ngayong Sabado. Courtesy: PTV)

Dinagsa ng mga estudyante at magulang ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng educational assistance ngayong Sabado.

Ang ilang estudyante ay pumila sa DSWD Central Office sa Batasan Complex, Quezon City, alas-5 pa lang ng Biyernes.

Sa sobrang haba ng pila ay umabot na ito sa Batasan-San Mateo Road.

Nangako ang DSWD na aayusin ang proseso ng pagpila at pagtanggap ng aplikasyon para hindi na maulit ang nangyari ngayong araw.

(Photos courtesy: PTV)

Personal namang nakabantay si DSWD Secretary Erwin Tulfo sa sitwasyon ng pamamahagi ng ayuda.

Nakiusap siyang manatiling kalmado ang mga pumipila, at habaan ang pasensya at pang-unawa kung matatagalan ang kanilang pagpila dahil sa dami ng pinoprosesong aplikasyon.

(Photo courtesy: PTV)

Inanunsyo ni Tulfo nitong Huwebes na mamamahagi ang ahensya ng financial assistance sa indigent students mula ngayon, Agosto 20, hanggang Setyembre 24.

Magbibigay ang DSWD ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa college students o vocational students.

Aniya, puwede ang hanggang tatlong benepisyaryo kada pamilya.

Kinakailangan lamang magdala ng enrollment certificate at school ID.

Ayon pa kay Tulfo, ang mga magulang ng elementary at high school students ay puwedeng makakuha ng benepisyo kahit hindi nila kasama ang kanilang mga anak.

Sinumang interesado ay kinakailangang kumuha ng appointment online o mag-walk in.

Naglaan ang DSWD ng P500 milyong budget para sa programa.

(Toni Tambong)

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.