Labi ng dalawang bata, natagpuan sa loob ng maleta sa New Zealand
Spread the news on:

(Photo: Forensic experts na nagsisiyasat sa lugar kung saan natagpuan ang mga maletang may bangkay ng dalawang bata sa Auckland, New Zealand; TVNZ/Handout via REUTERS)

Iniimbestigahan na ng New Zealand police ang natagpuang mga labi ng dalawang bata sa loob ng mga maleta.

Ayon sa ulat ng Reuters, ang mga maleta ay nasa isang unclaimed locker na nabili sa online auction ng isang pamilya sa Auckland noong nakaraang linggo.

Laking gulat ng nasabing pamilya nang buksan nila ang locker at matuklasan ang mga maleta kung saan naroroon ang mga labi ng dalawang bata edad 5 at 10 taong gulang.

Naglunsad na ng homicide inquiry ang pulis sa insidente.

Sa isang pahayag, sinabi nilang matagal nang nasa storage locker ang mga maleta gayundin ang dalawang namatay na bata.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga bangkay ngunit naniniwala ang Auckland police na nasa New Zealand din ang kanilang pamilya at marahil hindi alam ang sinapit ng dalawa.

Wala pa ring impormasyong ibinabahagi ang mga pulis kung paano namatay ang dalawang bata.

Samantala, wala namang kaugnayan ang pamilyang nakabili nakatuklas sa mga labi sa pagkakamatay ng mga ito.

(NP/Reuters)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.