Dalawang bagong kaso ng monkeypox naitala sa bansa
Spread the news on:

(File photo: DOH-OIC Usec. Maria Rosario Vergeire)

Nadagdagan ng dalawa ang kaso ng monkeypox sa bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH), isang 34 anyos at 29 anyos ang mga bagong pasyente.

Ang isa ay nagpositibo sa RT-PCR test nitong Huwebes at ang isa naman ay nakumpirmang positibo ngayong araw.

Kapwa sila bumiyahe sa mga bansang may mga kumpirmadong kaso ng sakit kaya sabi ni DOH Officer-in-Charge Usec. Maria Rosario Vergeire,  posibleng hindi dito sa Pilipinas nakuha ang virus.

“Their incubation period from the time they were in another country hanggang dumating at nag-manifest ng symptoms ay pasok sa incubation period. Mukhang ang mga kasong nadetect natin are still imported mula sa ibang bansa,” sabi ni Vergeire.

Bukod sa lesions o sugat sa balat, nagka-lagnat din ang mga pasyente pero hindi malala ang kanilang kondisyon, ayon sa DOH.

Naka-isolate ang 34 anyos na pasyente sa bahay, habang ang isa ay nasa medical facility.

Labimpitong close contacts na ang natukoy at patuloy ang contact tracing.

Hindi na inilabas ng DOH ang kasarian at kanilang lugar para protektahan ang kanilang privacy.

Samantala, ang unang kaso ng monkeypox na inanunsiyo ng DOH noong Hulyo ay gumaling na. Wala ring naging sintomas ang lahat ng kanyang close contacts.

Muli namang iginiit ng ahensya na hindi dapat mag-panic ang publiko dahil magkaiba ang paraan ng pagkahawa sa monekypox at COVID-19.

“Ang COVID-19, yung virus niya can travel sa air, kaya tayo laging naka mask tayo dahil diyan, pero itong monkeypox po, you need direct contact para kayo ay mahawa. Kailangan niyo ng talagang malapitan na pwesto sa taong may monkeypox,” paliwanag ni Vergeire.

Hindi rin nakikita ni Vergeire na kailangang muling maghigpit o magsara ng borders ang bansa dahil sa dalawang bagong kaso ng monkeypox.

(Jocelyn Domenden/NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.