Makabayan bloc naghain ng resolusyon para palayain si Leila de Lima
Spread the news on:

(File photo: Dating Sen. Leila de Lima. Courtesy: de Lima Facebook)

Naghain ng resolusyon sa Kamara ang Makabayan Bloc para hilingin ang paglaya ni dating Senador Leila de Lima.

Sa House Resolution 198 na pirmado nina Kabataan Rep Raoul Manuel, Alliance of Concerned Teachers party-list Rep. France Castro at Gabriela party-list Rep Arlene Brosas hinimok nila ang Department of Justice (DOJ) na tuluyan nang ibasura ang dalawang kaso kaugnay sa droga laban kay De Lima matapos na ring bawiin ng tatlong testigo ang kanilang testimonya.

“Every day that justice is not served amounts to a mockery of the whole justice system. It is thus incumbent upon the House of Representatives to call on its co-equal branches of the government to be true to their mandate of ensuring that justice is served without passion or prejudice and always with fairness,” nakasaad sa resolusyon.

Giit pa ni Manuel, umpisa pa lang ay malinaw na isang political harassment ang pagpapakulong kay de Lima na kilalang kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“She was detained shortly after she was elected Senator, and it was ensured that she will have a hard time performing her job since she was not even allowed to participate in senate deliberations even in an online conference,” sabi ni Manuel.

Ayon naman kay Castro, kung hangad ng Marcos administration ang unity o pagkakaisa gaya ng paulit-ulit niyang sinasabi, ang pagpapalaya kay de Lima ang isa aniya sa dapat na gawin.

May kahalintulad ding resolusyon sa senado na una nang inihain nina Senators Koko Pimentel at Risa Hontiveros.

Nito lamang Agosto 9, ibinasura ng Office of the Ombudsman  ang kasong panunuhol na sinampa laban kay de Lima at sa dati niyang aide na si Ronnie Dayan.

Batay sa reklamo, sinasabing tumanggap ng P8 milyong bribe money si De Lima na kinolekta ni Dayan mula sa umano’y drug dealer na si Kerwin Espinosa.

Sa inilabas na resolusyon ng Ombudsman, iginiit na walang nakitang posibleng dahilan para sa akusasyon.

Ayon naman sa abogado ni de Lima na si Boni Tacardon, sinimulan na nilang i-proseso ang aplikasyon para makapaghain ng piyansa ang dating mambabatas na nakaditene sa Camp Crame mula pa noong 2017.

(Toni Tambong)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.