DND: Contingency plan sakaling lumala ang sitwasyon sa Taiwan nakalatag na
Spread the news on:

(File photo: Taiwan)

Nakahanda na ang contingency measures ng Pilipinas, kabilang ang pagpapauwi sa mga Pinoy sakaling lumala ang sitwasyon sa pagitan ng Taiwan at China. Ito ang tiniyak ng Department of National Defense (DND).

Sa pagdinig ng senado, sinabi ni DND Officer-In-Charge Jose Faustino Jr. na mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon sa Taiwan, kung saan halos 150,000 Pilipino ang naroon na karamihan ay migrant workers.

Tumindi ang iringan sa pagitan ng Taiwan at China kasunod ng pagbisita ni United States House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan noong Agosto 2.

Si Pelosi ang pinaka-senior na US politician na bumisita sa Taiwan sa loob ng 25 taon.

Matapos ang pagbisita ni Pelosi, naglunsad ng serye ng  military actions ang China sa paligid ng Taiwan para umano depensahan ang kanilang teritoryo.

Ang self-governing island ay inaangkin ng Tsina bilang bahagi ng kanilang teritoryo.

Umaasa si Faustino, na tuluyang humupa ang tensyon at mareresolba ang sigalot sa mahinahon at mapayapang paraan para hindi na ito umabot sa kaguluhan.

“The thing that we can do is to closely monitor (the situation in Taiwan), and we have prepared contingency if ever the worst scenario will happen. And we hope na hindi na tayo umabot sa ganon,” dagdag ng OIC ng DND.

Bukod sa paglikas ng mga Pinoy, inaasahan din aniyang magiging bukas ang Pilipinas sa pagtanggap ng ibang lahi na lilisanin ang Taiwan.

“We expect also that, maybe, there will be some refugees coming to us. Kasi tayo ‘yung pinakamalapit sa Taiwan,” sabi ni Faustino.

“It will affect, not only us, but (globally) just like what happened sa Russia and Ukraine. Nararamdaman na natin ang epekto nito. But this time, we are talking about the sea lanes (of Taiwan Strait) kung saan dumadaan ang almost $5 trillion dollars of economy ng buong mundo,” dagdag ng opisyal.

Sakaling magkaroon ng armed conflict, sabi ni Faustino, kikilalanin ng Pilipinas ang defense treaty sa Estados Unidos bagama’t dadaan pa rin ito sa proseso.

“Nakasaad din doon, it will still be according to our constitutional processes. So hindi po ito automatic. It’s the same with the other side, sa US. It will also be based on their constitutional processes,” paliwanag ni Faustino.

(Toni Tambong)

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.