PNR problemado kung saan kukuha ng pondo para sa libreng sakay sa mga estudyante
Spread the news on:

Problemado ang pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) kung saan kukuha ng pondo para tustusan ang gastusin sa krudo sa pag-arangkada ng libreng sakay para sa mga estudyante sa susunod na buwan.

Inaprubahan ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes, July 1, ang pagpapalawig ng free ride sa mga estudyanteng sasakay ng PNR, Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at Light Rail Transit-2 (LRT-2) mula Agosto hanggang Nobyembre 2022.

Gayunman, umaaray ang PNR management dahil sa anila’y nagbabadyang pagkalugi ng P8 milyon hanggang P9 milyon kada buwan dahil sa libreng sakay.

“Hindi katulad nila MRT na may guaranteed sila na subsidy galing sa gobyerno, samantalang si PNR, tayo, ‘yung kinikita natin, pampasahod, pang-operational cost at saka mga pambili ng ating mga piyesa na mga outside sa General Appropriations Act,” ani PNR Assistant Manager Celeste Lauta.

Wala pang komento ang mga bagong DOTr officials kaugnay sa pahayag ng PNR.

Samantala, kung para lamang sa mga estudyante ang libreng sakay sa mga tren, extended naman ang libreng pasahe sa EDSA Bus Carousel para sa lahat ng commuters hanggang Disyembre.

Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P1 bilyon para sa libreng sakay sa bus carousel.

Una nang sinabi ng DOTr na ang pag-extend ng libreng sakay ay layong makatulong para makatipid ang mga Pilipino sa araw-araw na gastusin sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.