Apela ng nurses kay Marcos: Pumili ng DOH secretary na may malasakit
Spread the news on:

Hiniling ng grupo ng mga nurse kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pumili ng susunod na kalihim ng Department of Health (DOH) na tunay na may malasakit sa mamamayang Pilipino.

“Ang dapat na susunod na kalihim ng Department of Health ay isang tao na, hindi lang may technical and specialization skills sa public health at administration, kung hindi [‘yung] mamumunong mayroon po talagang tunay na malasakit sa taumbayan, ” ayon kay Maristel Abenojar, presidente ng Filipino Nurses United (FNU).

“’Yung tipong mabilis na kikilos kung kinakailangan at kukunsultahin palagi ang kanyang mga constituents, lalo na ang mga health worker natin na partners po ng DOH sa pagpapatupad ng mga programa,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Abenojar na umaasa silang matutugunan ng administrasyong Marcos ang kakulangan ng mga nurse sa mga pampublikong pasilidad sa kalusugan sa buong bansa.

“Ang dahilan po kaya kulang ang ating mga nurse, halimbawa, ay marami po sa kanila ang lumalabas ng bansa. Nito lamang pong December 31, 2021, ang datos ng Department of Health, ay mayroon nang 316,405 ang ating mga nurse na nasa ibang bansa,” dagdag pa ni Abenojar.

“At ‘yan po ay halos 34% ng kabuuang registered nurses na Filipino.”

Iginigiit din ng grupo na sila ay humihirit para sa P50,000 na entry level na suweldo para sa mga nurse sa buong bansa.

“Kung maaalala po ninyo, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary noong June 2018, na para mabuhay ang isang pamilya na may 5 miyembro, kailangan nila ng P42,000 a month. 2018 po ‘yun.”

“Ang inflation rate po natin ngayong 2022, after 4 years ay sobra-sobra po. Napakamahal na po ng mga bilihin kaya po ang aming hinihiling na P50,000 na panimulang sahod ay naaayon lang po,” aniya.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.