Covid positivity rate sa NCR at marami pang lugar sa bansa, tumaas
Spread the news on:

Sumirit sa 848 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa noong Linggo, June 26, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito na ang pinakamataas na kaso sa nakalipas na higit tatlong buwan o mula March 6.

Sumampa naman sa 6,761 ang active cases na pinakamataas mula April 30.

Ayon sa DOH, ang mga rehiyon na may pinakamaraming kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay ang National Capital Region na may 3,701. Sinundan ito ng Calabarzon, 1,302, at Central Luzon, 650.

Tumaas sa 5.9% ang COVID-19 positivity rate sa NCR, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research ngayong Lunes.

Nitong Hunyo 18, nasa 3.9% lang ang positivity rate sa rehiyon.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpopositibo mula sa kabuuang bilang ng mga nasusuri.

“WHO recommends testing positivity rate less than 5%,” ayon sa tweet ni OCTA fellow Guido David.

Nitong Sabado ay itinaas ng Department of Health sa moderate risk classification ang limang lugar sa NCR, mula sa low risk. Ito’y dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Bukod sa NCR, ipinakita rin sa datos ngayong Lunes na ang positivity rate sa Rizal ay sumirit sa 11.9% mula sa 6.3%.

Samantala, ang Laguna ay tumaas sa 7.5% mula sa 3.1%, Cavite sa 6% mula 3.6%, at South Cotabato sa 7.4% mula sa 6.3%.

Ang Batangas, Benguet, Bulacan, Cagayan, Cebu, Iloilo, at Pampanga ay nagtala rin ng pagtaas sa COVID-19 positivity rate, ayon sa OCTA.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.