Apat na lungsod sa NCR nasa moderate risk dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases
Spread the news on:

Idineklara ng Department of Health (DOH) ang limang lugar sa National Capital Region na nasa ilalim ng moderate risk classification dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa Laging Handa briefing ngayong Sabado, June 25, sinabi ni DOH spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga lugar na iniakyat sa moderate risk classification mula sa dating low risk ay ang mga lungsod ng Pasig, San Juan, Marikina at Quezon City, at munisipalidad ng Pateros.

Paliwanag ni Vergeire, maituturing na moderate risk ang isang lugar kung may positive growth rate sa loob ng dalawang linggo, at average daily attack rate (ADAR) sa pagitan ng 1 hanggang 7. Ang ADAR ngayon sa NCR ay 1.7.

Ang ADAR ay ang average na bilang ng mga bagong kaso sa bawat 100,000 tao.

“Kapag tiningnan natin, ang kanilang mga growth rate ay lumalagpas ng 200% kasi nanggagaling sa mababang numero, biglang nagkaroon ng kaso kaya tumaas ang growth rate,” ani Vergeire.

Isa lang aniya sa limang nabanggit na lugar ang may bahagyang pagtaas ng hospital utilization. Ang mga na-admit ay may mild na sintomas at ang iba ay asymptomatic, pero hindi na pinangalanan ng DOH kung anong ospital ito.

“Ito po ‘yung isang lugar dito sa Metro Manila kung saan merong malalaking ospital, kung saan sa iba’t ibang bahagi po ng NCR nanggagaling ang pasyente, even outside of NCR,” ani Vergeire.

Sabi ng DOH, sakaling maging moderate risk ang lahat ng lugar sa Metro Manila, saka pa lang ilalagay sa alert level 2 ang rehiyon.

Hindi naman ito nakikita sa ngayon ni Vergeire dahil maituturing na mababa pa ang paggamit ng COVID beds sa mga ospital.

21.6 percent ang healthcare utilization rate sa NCR, malayo pa sa 50 percent threshold na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para sa alert level 2.

777 ang naitalang bagong COVID-19 cases sa bansa ngayong araw, ang pinakamataas sa loob ng tatlong buwan o mula noong March 6.

353 sa mga kasong ito ay mula sa Metro Manila na may 4.8% na positivity rate.

6,425 ang mga aktibong kaso, ang pinakamataas mula noong April 30.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.