PGH, nababahala sa kakulangan ng nurse dahil sa dami ng mga nag-resign
Spread the news on:

Nababahala ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) dahil sa kakulangan ng nurses sa kanilang ospital.

Ayon kay PGH spokesperson Jonas Del Rosario marami kasi ang nagresign mula pa noong isang taon na umabot na sa kabuuang 107.

Sa bilang na ito, 59 nurses ang umalis noong 2021 at 48 naman mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Ang ilan sa mga nag-resign ay piniling mag-abroad.

Kung may mga bagong hire man ang PGH,  27 nurses lang ito.

Sabi rin ni del Rosario, ang mas pinangangambahan ngayon ay marami pa sa mga nurse ang nagpa-plano na ring magbitiw sa trabaho.

“Nababahala kami, hindi lang naman kasi COVID ‘yung patients namin. In fact, ngayon ang problema namin, siguro nabalitaan ninyo na rin nagdadagsaan ang non-COVID patients sa amin,” sabi ni Del Rosario .

Aniya, karaniwan ay mayroon silang 120 hanggang 150 na pasyente sa kanilang emergency room sa kabila ng pagkakaroon lamang ng 70-bed capacity.

Sinabi ni Del Rosario, ramdam nila ang epekto ng kakapusan ng staff.

Ang ginagawa ng pamunuan ng ospital, idinedeploy na lang ang mga nurse sa mga pasyenteng higit na nangangailangan.

Gayunman, sinabi ni Del Rosario na ang ospital ay hindi naman nakakaramdam sa ngayon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

May 15 COVID patients ang kasalukuyang naka-admit sa PGH.

“Well, ang DOH naman po ay naging katulong namin mula nung nagka-COVID. In fact, nagpadala po sila ng mga DOH po na employed na nurses para i-augment ‘yung aming kakulangan,” dagdag pa ng opisyal.

“But just the same I think a lot of the DOH hospitals are also feeling this exodus kaya may kanya-kanya rin pong kakulangan,” ayon pa kay Del Rosario.

Sa ngayon, aktibong nagre-recruit ng bagong nurses ang PGH.

 

(Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.