MPD pinayuhan ang mga raliyista na kanselahin ang protesta sa inagurasyon ni Marcos
Spread the news on:

(Photo: Idaraos ang inauguration ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa National Museum of Fine Arts sa June 30, 2022. Courtesy: National Museum of the Philippines Facebook page)

Pinayuhan ng Manila Police District (MPD) ang mga grupong nagbabalak na magprotesta sa araw ng panunumpa ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30 na huwag nang ituloy ang kanilang aktibidad.

Nanindigan ang tagapagsalita ng MPD na si Maj. Philipp Ines na hindi papayagang makalapit ang mga raliyista sa venue ng inagurasyon sa National Museum.

Sa freedom parks lang, aniya, papayagan ang mga demonstrasyon gaya sa Plaza Miranda, Plaza Dilao, Plaza Moriones at Liwasang Bonifacio.

Ayon kay Manila Bureau of Permits director Levi Facundo, dalawang grupo ang nag-apply ng permit para mag-rally sa Hunyo 29 sa Mendiola, at Hunyo 30 sa Manila Cathedral.

Gayunman, hanggang sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng permit ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga grupong ito.

Paalala rin ni Ines, sakaling magsimulang maging marahas ang mga nagpoprotesta, kikilos ang pulisya nang naaayon sa batas.

“Our guideline here is, if they commit blatant violation of the law, we [will] enforce the law strictly. For example, they obstruct the flow of traffic, they damage government or private equipment, we will arrest them, of course that’s another matter,” ayon kay Ines.

Kinumpirma ni Renato Reyes Jr., secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na tuloy ang kanilang protesta sa Liwasang Bonifacio mula 9 a.m.

“Nais naming ihayag na matindi talaga ang kinakaharap na krisis at problema ng ating bansa. Napakatindi ng paghihirap ng ating mga kababayan—nagtataasan ang mga presyo, napakababang mga sahod at marapat lang na marinig ang boses ng mga tao sa darating na June 30,” ani Reyes.

“Hindi po dapat sutilin, patahimikin ang mga tao at dahil nga mayroong makatwirang batayan para magpahayag,” dagdag ng pinuno ng Bayan.

Magtatalaga ang MPD ng mahigit 4,000 pulis para sa inagurasyon, bukod sa mga manggagaling sa national at regional headquarters at iba pang ahensya, tulad ng Philippine Coast Guard at Metropolitan Manila Development Authority.

(Jocelyn Domenden)

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.