Locsin: Duterte iniutos na ihinto na ang joint oil exploration talks sa China
Spread the news on:

(File photo: Philippine Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. at Chinese Foreign Minister Wang Yi sa Fujian Province, April 2021. Courtesy: DFA)

Hindi na itutuloy ng Pilipinas ang pakikipag-usap sa China kaugnay sa posibleng joint energy exploration sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.

Sabi ni Locsin, ang isyu sa soberanya at limitasyon ng batas ang dahilan kaya inabandona na ang planong pagsasanib ng dalawang bansa sa paghahanap ng langis sa WPS.

Sa kanyang talumpati sa ika-124 DFA Foundation Day, kinumpirma ng kalihim na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na tuluyang talikuran ang planong joint energy exploration.

“The President had spoken. I carried out his instructions to the letter: oil and gas discussions are terminated completely. Nothing is pending; everything is over,” ani Locsin.

“Three years on and we had not achieved our objective of developing oil and gas resources so critical for the Philippines—but not at the price of sovereignty; not even a particle of it,” dagdag ng kalihim.

Umaasa lamang ang Pilipinas sa inaangkat na langis mula sa ibang bansa. Hamon sa gobyerno na makahanap ng foreign partners na tutulong sa paghahanap ng offshore energy reserves sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea. Ito’y dahil sa pag-angkin din ng China sa mga teritoryong ito.

Sa 2016 international arbitration ruling, idineklarang may sovereign rights ang Pilipinas sa energy reserves sa loob ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Tumanggi ang China na kilalanin ang desisyon, at iginiit na 90% ng South China Sea ay pag-aari nila.

Sa paghahanda ni Locsin sa kanyang pagbaba sa DFA, muling iginiit ng top diplomat na hindi humina ang karapatan ng Pilipinas sa WPS sa nakalipas na anim na taong panunungkulan ni Duterte, alinsunod sa UNCLOS at 2016 arbitral award.

Sabi pa ni Locsin, hindi pinalampas ng gobyerno ang paghain ng diplomatic protest sa bawat panghihimasok ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas.

“Let me say one thing: we have not surrendered a single inch of territory or a drop of our waters. Not by word or deed have we weakened our right to everything in the West Philippine Sea,” giit ni Locsin.

(Toni Tambong; NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.