Pag-uwi sa labi ng napatay na Pinoy lawyer sa U.S., sasagutin ng gobyerno
Spread the news on:

Sasagutin ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapauwi sa mga labi ng isang Pilipinong abogado na namatay matapos na pagbabarilin sa Philadelphia.

Sinabi ni Leah Bustamante Laylo, ina ng biktima, nakatakdang ilipad pabalik sa susunod na linggo ang labi ng abogadong si John Albert “Jal” Laylo.

“Trying hard po na magpakatatag kasi gusto ko pong iuwi para po sa pamilya namin. Marami pong naghihintay sa kanila. Pamilya ko, mga close friends niya po,” aniya sa interbyu sa ABS-CBN Teleradyo.

“Marami pong nagawang mabuti tong anak ko kaya ano po e, nakakapanghinayang. Ang dami niyang dreams, plano,” dagdag pa ni ginang Laylo.

Nanawagan si Leah sa mga awtoridad ng US ng hustisya.

Sinabi ng pulisya ng Philadelphia na ang pamamaril ay maaaring isang kaso ng mistaken identity.

“‘Yun po ang gusto ko na magkaroon ng justice kasi hindi po namin deserve ‘yung ganito e. Namamasyal lang po kami. Naglilibang po kaming mag-ina,” aniya pa.

Si John ay nakasakay sa isang Uber kasama ang kanyang ina para habulin ang flight papuntang Chicago nang siya ay pagbabarilin noong Sabado.

Dadalawin daw niya ang puntod ng kanyang lolo.

“Nakita ko po siya na duguan bigla. Ang ginawa ko po, yumuko po ako… kasi may narinig pa akong putok ng baril,” ani Leah.

Ang pamilya Laylo ay sinabihan ng lokal na pulisya na 15 na mga putok ang pinaputukan sa kanilang sasakyan.

“So, I’m thankful to God na na-spare po ako kasi hindi ko nga alam kung may anti-anting ako or special power, 15 shots po,” dagdag pa niya.

Nagtamo ng mga sugat sa shrapnel si Leah habang hindi nasaktan ang driver ng Uber.

“Napakabilis ng pangyayari. In 5 minutes po, alam ko namatay na ‘yung anak ko e. Talaga pong hindi ko matanggap hanggang ngayon,” kwento pa niya.

Umalis ng Pilipinas sina John at Leah noong June 1 para bisitahin ang kanilang mga kamag-anak sa US at uuwi sana sa July 2.

Wala pang naarestong suspek.

 

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.