P11 bilyong halaga ng iligal na droga, sinira ng NBI
Spread the news on:

(Photo Courtesy: NBI)

Sinira ng gobyerno ang nasa P11 bilyong halaga ng iligal na droga.

Ito ay ang mga iligal na drogang nasabat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong March 15, 2022 sa Infanta, Quezon.

Sinabi ni NBI Director Eric B. Distor na sa memorandum na isinumite ng NBI Forensic Chemistry Division (NBI-FCD), ang kaso ng P11 bilyon ay isa sa mga ebidensyang kasama ebidensyang sisirain na iniutos ng Regional Trial Court.

Ayon sa opisyal,  ang “destruction” sa  iligal na droga ay naganap noon pang June 2, 2022.

Inimbitahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang anim na tauhan ng NBI-Forensic Chemistry na sinaksihan ang pagsira sa mga nasabat na iligal na droga.

Ang pagsira sa mga droga ay batay na rin sa utos ng korte sa Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Trece Martirez, Cavite.

Iginiit din ni Distor na lumahok ang mga NBI Chemists sa paglalagay ng mga delikadong droga sa loob ng pyrolysis machine habang ang ibang tauhan ng NBI-FCD ay pinayagang kumuha ng litrato at pangasiwaan ang pagsira ng mga iligal na droga.

Ang NBI Chemist in charge  ay nagsagawa ng imbentaryo at nagtala ng 80 selyadong itim na megabox na katumbas sa bilang ng mga ebidensya na itinurn-over sa PDEA.

Matatandaang noong March 15, 2022, ang mga operatiba ng NBI- Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD) at Lucena District Office (LUCDO), sa pakikipag-ugnayan sa PNP Infanta, Quezon at PDEA Lucena ay nagsagawa ng interdiction operation sa Barangay Comon, Infanta Quezon na nagresulta sa pagkakasamsam ng P11 bilyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakaaresto sa sampung (10)suspek habang nasa akto nang pagbibiyahe ng mga iligal na droga sakay ng tatlong (3) commuter van.

Ang nasabing operasyon ay itinuturing na pinakamalaking nasabat na droga sa kasaysayan ng Pilipinas hanggang sa kasalukuyan.

 

(Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.