Sen. Gatchalian, hinikayat ang work from home set-up para makatipid sa gasolina at pamasahe
Spread the news on:

Dapat na ipagpatuloy ang flexible work arrangement para makatipid sa gasolina, pamasahe at mapabuti ang lagay ng mga empleyado.

Ito ang panawagan ni Senador Win Gatchalian sa mga ahensya ng gobyerno maging sa  mga pribadong kompanya sa harap ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

“Ang aking opisina ay patuloy na nagpapatupad ng work-from-home arrangement upang makatipid sa gasolina, makaiwas sa masikip na trapiko, makatipid sa oras at maiwasan ang hirap ng pag-commute araw-araw papasok sa trabaho,” ayon kay Gatchalian.

Ang ganitong setup aniya ay mapapakinabangan din ng mga employer dahil makatitipid sila sa mga gastusin ng kompanya.

“Ito na ang new normal at produktibo pa rin katulad ng isang office setting. Malaking kaluwagan ito lalo na sa panahon ngayong aabot na sa isang daang piso kada litro ang produktong petrolyo at tumataas ang pamasahe,” dagdag pa ni Gatchalian.

Dumarami na rin ngayon ang hindi bumibiyaheng pampublikong sasakyan dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis.

Bago pa maglabas ng resolusyon ang Civil Service Commission na nagpapahintulot sa flexible work arrangements sa mga ahensya ng gobyerno, sinabi ni Gatchalian na ipinatutupad na ito ng ilang pribadong kumpanya alinsunod sa Republic Act No. 11165 o ang “Telecommuting Act.”

Para mapalawig pa ang flexible work arrangement, gusto ni Gatchalian na maisabatas ang kanyang panukala.

Ang nasabing panukalang  batas ay magbibigay ng tax incentives sa mga empleyado na naka work-from-home o telecommuting program at income tax deduction naman sa mga employer.

Ito ay ang Senate Bill No. 1706, kung saan co-author si Gatchalian.

Sa ilalim nito, magbabawas ng P25.00 mula sa binuwisang kita ng isang empleyado sa bawat oras ng trabaho na ginawa sa ilalim ng WFH arrangement.

Iminungkahi rin na huwag nang buwisan ang mga allowance at iba pang benepisyo ng mga empleyado na sumasaklaw sa mga gastos para sa telecommuting na hindi hihigit sa P2,000 kada buwan.

Sa bahagi ng mga employer naman, sinabi ng senador na maaaring bawasan ng karagdagang 50 porsyento ang kanilang income tax deduction para sa mga allowance na sakop ng panukalang batas.

Layunin nito na makahikayat ng mga employer na magbigay ng mga kinakailangang allowance sa kanilang mga empleyado.

Ang iminumungkahing pagbabawas ng buwis naman ay para makapagbigay ng mas mataas na take home pay sa mga manggagawa.

(Estrella Bueno)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.