Nat’l security adviser, pinahaharang ang mga website ng NPA
Spread the news on:

Hiniling ni National Security Adviser Hermogenes Esperon sa National Telecommunications Commission (NTC) ang agarang pagharang at huwag hayaang ma-access ang mga website na sinasabing konektado sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na pinangalanan ng Duterte administration bilang mga terorista.

Hunyo 6 pa nang hilingin ito ni Esperon pero isinapubliko lang ngayong Miyerkoles, June 22, kung saan inihihirit na hindi dapat ma-access ang  ilang independent media website tulad ng Bulatlat at mga progresibong grupo tulad ng Save our Schools Network, UMA Pilipinas, Rural Missionaries of the Philippines, at Pamalakaya Pilipinas.

Partikular na pinaaaksyon ni Esperon ang NTC na maglabas ng memorandum para sa mga internet service providers para harangin ang access sa mga website na sa tingin niya ay konektado at sumusuporta sa mga terorista at teroristang organisasyon.

Wala namang inilakip na patunay si Esperon sa kanyang kahilingan.

“They have established pervasive online presence through their website that they continually use to publish propaganda and misinformation campaigns in order to malign the Philippine government, recruit new members, and solicit funds from local and international sources,” saad sa liham ng NSA kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.

Kabilang sa mga website na nakalista na direktang naka-link umano sa CPP-NPA-NDF ay ang mga sumusunod: NDFP, NDF, Jose Maria Sison, Philippine Revolution Web Central, Bulatlat, Hiyaw, PRWC Newsroom, Revolutionary Council of Trade Unions, Mga Kababayan – Revolutionary Organization of Overseas Filipino and their Families, Save our Schools Network, UMA Pilipinas, Rural Missionaries of the Philippines, Pamalakaya Pilipinas, AMIHAN National Federation of Peasant Women, BAYAN, Arkibong Bayan, International League of People Struggle, Pinoy Weekly, Counter Punch, International Action Center, Monthly Review, People’s March, Taga-Ilog News, Partisa-News, at People Resist News.

Ang ilan sa mga nakalistang website ay hindi na naa-access simula ngayong Miyerkules ng umaga.

 

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.