Rice Tariff Law posibleng amyendahan ni Marcos; NEDA, DOF chiefs pumalag
Spread the news on:

Dinepensahan ng mga pinuno ng Socioeconomic Planning at Department of Finance ang Rice Tariffication Law (RTL) na ipinagtibay sa administrasyong Duterte.

Una na kasing nagpahayag si presumptive president Ferdinand Marcos Jr. na nais niyang amyendahan ang RTL.

Ayon kay Socioeconomic Planning at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua, ang RTL ay kapwa pabor sa mga magsasaka at konsyumer.

Aniya, sa pamamagitan ng pag-alis ng mga quantitative restrictions, natutugunan ang  pangangailangan ng mga mamimili para sa mas mababang presyo ng bigas, at nagagamit ang mga kita sa taripa para pondohan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at nabibigyan ng higit pang tulong ang mga magsasaka.

Sabi ni Chua, noong isang taon ay kumita ang bansa ng P18.9 billion mula sa rice tariff collections at ibinalik ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magsasaka.

“Those calling for the removal of the RTL risk taking away what we are giving to farmers to improve their productivity. Further lowering the price of rice for all Filipinos is really possible if we help farmers improve productivity. That is exactly what the RTL is doing by providing them with mechanization, seeds, and other support,” ayon kay Chua.

Inihayag naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na sa unang tatlong taon ng implementasyon ng RTL, kumita ang pamahalaan ng P46.6 bilyong piso na direktang napakinabangan ng palay farmers sa pamamagitan ng P10-billion annual RCEF.

“This law is an opportunity to revolutionize the agriculture sector and help our farmers become more competitive in the global economy,” ayon kay Dominguez.

Nitong Abril, sinabi ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kung siya ang mauupong pangulo ay isusulong niya ang pag-amiyenda ng RTL.

Aniya gagawin niyang mas kapaki-pakinabangan ang batas sa local farmers at ititigil ang labis na pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

“Hindi natin kailangang mag-import ng bigas kung sapat naman ang supply ng ating magsasaka dahil ang dapat mas pinapalakas pa natin ang pagtanim at pag-ani ng ating mga palay,” ayon kay Marcos Jr.

Sinabi rin ni Marcos na maglalaan siya ng dagdag na pondo sa Department of Agriculture at ipatutupad ang Free Irrigation Law.

“Masyado nang kawawa ang ating magsasaka dahil hindi pa nga sila sinasalanta ng bagyo at kalamidad ay may delubyo nang dumarating sa kanila dahil ultimo patubig ay sinisingil pa sa kanila, ” giit ni Marcos.
(Toni Tambong)

Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.