DOH: Wala pang naitalang kaso ng Monkeypox sa Pilipinas pero bantay-sarado sa mga border
Spread the news on:

(File photo)

Patuloy ang pagbabantay ng Department of Health (DOH) sa mga kaso ng viral disease na monkeypox.

Wala pang naitatalang kaso sa Pilipinas pero ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, todo ang pagmonitor ng gobyerno sa mga turista at iba pang pumapasosk ng bansa na posibleng magdala ng infection.

“So, antayin natin ang susunod na ulat patungkol dito. Pero ako, akin nang sinabihan ang Bureau of Quarantine,” ayon kay Duque nitong Biyernes, May 20.

Naiulat ang mga kaso ng monkeypox sa Africa, United States, Canada at ang pinakabago ay sa Australia.

Ayon sa Victoria state health department, galing sa Britain ang lalaking pasyente na dumating sa Melbourne noong Lunes.

Nai-report din ang isang probable case sa Sydney kung saan ang pasyente ay bumiyahe sa Europa.

Ayon sa World Health Organization (WHO), naitala ang unang kaso sa tao ng monkeypox noong 1970 sa Democratic Republic of the Congo.

Ito ay endemic o karaniwan sa mga bansa ng west at central Africa.

“Monkeypox is a viral zoonosis (a virus transmitted to humans from animals) with symptoms very similar to those seen in the past in smallpox patients, although it is clinically less severe,” ayon sa WHO.

Kabilang sa mga sintomas ng monkeypox ay lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng likod at muscles, pagkapagod at panginginig ng katawan at pagkakaroon ng kulani at rashes.

“Monkeypox is usually a self-limited disease with the symptoms lasting from two to four weeks. Severe cases can occur,” sabi ng WHO.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention posibleng maipasa ang monkeypox virus kung ang isang tao ay nagkaroon ng contact sa hayop, tao o bagay na kontaminado ng virus.

Maaari itong pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat sa balat, respiratory track, mata, ilong at bibig.

Pero hindi gaya ng COVID-19, ang monkeypox ay hindi nakikitang naipapasa sa pamamagitan ng hangin.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.