Comelec pinaalalahanan ang mga kumandidato na isumite ang listahan ng nagastos sa kampanya
Spread the news on:

Muling pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng mga kumandidato sa May 9 elections na magsumite ng kani-kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) hanggang June 8.

“The law requires you (candidates) to file a SOCE. As long as you have been considered as candidates, you are obligated to file your SOCE,” ayon kay Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco.

Aniya, ang mga nagwagi sa kamakailang botohan na hindi nagsumite ng kanilang mga SOCE ay pinagbabawalang umupo sa kanilang mga puwesto hanggang sa maghain sila ng kanilang SOCE.

Idinagdag niya na ang mga mabibigo na magsumite ng SOCE sa pangalawang pagkakataon ay sasailalim sa perpetual disqualification sa paghawak ng pampublikong tungkulin.

Binalaan din ni Laudiangco ang mga kandidatong lumampas sa kanilang campaign spending limits na nahaharap sila sa mga posibleng election offense.

“Those that have exceeded, it is considered an election offense. It carries possible imprisonment penalties,” sabi pa ng opisyal.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7166, ang bawat kandidato at partidong pampulitika ay dapat, sa loob ng 30 araw pagkatapos ng araw ng halalan, maghain sa Comelec ng “buo, totoo, at naka-itemize na pahayag ng lahat ng kontribusyon at paggasta” na kaugnay ng halalan.

(Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.