Driverless taxis binigyan na ng permit sa China
Spread the news on:

(Photo courtesy: Baidu Inc. Facebook)

Nagsimula nang pumasada sa Beijing ang driverless taxis matapos bigyan ng permit ng Chinese authorities ang internet services company na Baidu at karibal na kumpanya na Pony.ai.

Ang driverless taxi o autonomous cars ay may kakayahang tumakbo kahit saan nang walang nagmamanehong tao. Gumagamit ito ng sensors upang ma-detect ang kapaligiran.

Sa pamamagitan ng video cameras, nade-detect nito ang traffic lights, road signs, mga sasakyan sa paligid nito, mga pedestrian at mga harang o obstacle sa kalsada. Software ang nagko-control ng manibela, accelerator at brake.

Ayon sa Baidu, magsisimula sila sa 10 units ng driverless taxi sa Beijing sa pamamagitan ng Apollo Go ride-hailing services.

Sa ilalim ng permit na iginawad sa Baidu at Pony.ai, bagamat hindi na kailangan ng safety driver, kailangan pa ring may safety supervisors na nakaupo sa front passenger seat ng taxi.

Sa pahayag ng Baidu, nakapagtala na ng 27 million kilometers na road test ang kanilang autonomous cars sa loob ng siyam na taon nang walang aksidente.

Una nang inilunsad ng kumpanyang Waymo ang driverless taxis sa Phoenix, Arizona noong 2020, ngunit plano ng China na manguna sa teknolohiyang ito sa buong mundo.

Target ng Beijing na makapagbenta ng 70% self-driving cars sa merkado pagsapit ng taong 2030.

(NP)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.