“No vax, no ride” sa public transport, ikakasa rin sa labas ng NCR
Spread the news on:

Maglalabas na rin ang mga local government unit sa labas ng Metro Manila ng executive order para ipatupad ang “no vaccine, no ride” policy sa kanilang mga lugar.

Ito ang sinabi ni Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) president at Quirino Governor Dakila Cua nitong Linggo.

Sa kasalukuyan, ipinagbabawal lang ng Department of Transportation (DOTr) ang mga hindi bakunado sa pagsakay sa public transportation sa National Capital Region.

Sabi pa ni Cua, babaguhin lang nila ng konti ang ilang bahagi ng “no vaccine, no ride” policy.

“Maraming lokal na pamahalaan na sinisimulang mag-usap at magpanukala ng executive orders tungkol dito. ‘Yung ‘no vax, no ride policy,’” dagdap pa ni Cua.

“May kaunting modifications nga at usually improvements nga. I-qualify natin sino talaga. Kung lalabas ang vaccinated na magulang at kailangang i-doktor ang anak na hindi pa bakunado, kailangan naman may ganoong accommodations,” paliwanag pa ni Cua.

Ayon pa kay Cua, pabor siya sa paghihigpit sa mga hindi pa bakunado upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

“Nakakatulong po ‘yung bagong polisiya natin. ‘Yung kapag vaccinated ka mas maraming pribilehiyo. Puwede ka lumabas, puwede ka sumakay sa pampublikong transportasyon,” pahayag niya.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.