DOH: Mental at simpleng physical exercises, pwedeng gawin kontra sa long COVID
Spread the news on:

Maaring magsagawa ng mental at simpleng physical exercises ang mga tinamaan ng long-Covid, ayon sa opisyal ng Department of  Health (DOH).

Kadalasang tinatamaan ng long-COVID o pagkaramdam ng sintomas ng virus kahit gumaling na ay iyong mga nakaranas ng severe at critical na sintomas.

“Hindi lahat ng nagka-COVID ay nagkakaroon ng post-COVID syndrome. Nangyayari ito sa severe at moderate cases,” paglilinaw ni DOH Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega sa panayam sa dzBB.

Ayon sa World Health Organization (WHO) noong Oktubre, karaniwang gumagaling sa COVID-19 ang isang indibidwal sa loob ng dalawa hanggang anim na linggo.

Subalit para sa ilan, maaaring magtagal ang mga sintomas nang hanggang ilang linggo o buwan matapos mawala ng impeksyon na tinatawag na post-COVID o long COVID.

“Napansin ito hindi lang sa Pilipinas kundi sa worldwide na mga 14% na severe at critical cases nagkakaroon talaga ng ganoong klaseng post-COVID syndrome,” pahayag pa niya.

“Pero meron talagang mga porsyento na nagkaroon ng moderate or severe case na medyo mabagal ang pagbalik mo [sa trabaho] dahil nagkaroon ka ng exercise intolerance. Parating pagod, nanghihina, at pangalawa, nagkakaroon ka ng…mahirap ang cognitive functions mo. ‘Yung brain mo ano, mahirap ka sa concentration at sa memory. Mga 10 to 14% lang naman sa mga nagkaka-COVID,” paliwanag pa ni Vega.

Pinayuhan naman ni Vega ang mga may long COVID na magsagawa ng simpleng ehersisyo kagaya ng paglalakad.

“Konting exercises, maglakad-lakad. Tama ang tulog, proper medication,” sabi pa ni Vega.

“‘Pag ginagawa mo naman ang physical exercise, wasto ang pagkain mo, unti-unti namang babalik ‘yan…Good rest, good sleep, good nutrition and vitamins. Wala talagang gamot ang post-COVID. Patience lang,” patuloy ng DOH official.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.