DOH: Aktibong kaso ng COVID-19 sa NCR, inaasahang mado-doble pa sa February
Spread the news on:

Inaasahang dodoble pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa ikalawang linggo ng February, ayon sa pagtataya ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, inaasahan na maabot ng NCR ang sukdulan o peak ng COVID-19 cases sa rehiyon sa huling linggo ng January o hanggang sa ikalawang linggo ng February.

Sa huling datos ng DOH, nasa 149,000 ang aktibong kaso na naitala sa capital region.

Halos kalahati ito ng 280,813 na kabuuang aktibong kaso sa bansa.

Ang aktibong kaso ay tumutukoy sa kasalukuyan pang ginagamot na COVID-19 patients.

Dagdag pa ni Vergeire, ang average na 17,124 kada araw na bilang ng kaso ng COVID-19 sa NCR ay mas mabilis kumpara noong nakaraang linggo na 6,500 kaso lamang kada araw.

Kinumpirma na rin ng DOH na mayroon ng community transmission ng Omicron variant sa NCR.

Sa ngayon, nasa critical risk classification na ang Pilipinas sa COVID-19.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.