Paglipana ng kolorum na sasakyan asahan sa ‘no vax, no ride’ policy
Spread the news on:

Nagbabala ang isang commuters’ group na asahan ang  paglipana ng mga kolorum na sasakyan sa pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” ng Department of Transportation sa National Capital Region (NCR).

Sa panayam kay Ric Rivera ng Pilipino Society and Development Advocates Commuter-Consumer (PASADA CC) sa Unang Balita, sinabi niya na maraming kolorum na sasakyan ang hindi sumusunod sa itinakdang health protocol ng gobyerno.

“Baka pumunta sila doon sa kolorum sapagkat itong mga kolorum hindi po nagre-require o nag-i-exercise ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) protocols,” pahayag ni Rivera.

Giit ni Rivera, mayroong 12,000 kolorum na sasakyan ang naglipana sa daan at babala pa niya na maaaring magkaroon ng hawaan ng COVID-19 sa mga nasabing sasakyan sa kabila ng bagong polisiya ng DOTr.

Samantala, nananawagan din si Rivera sa gobyerno na taasan o wakasan na ang ipinatutupad na passenger limit sa mga public utility vehicle sa gitna ng pandemya.

“Mas mabuti na talagang enganyuhin ang PUVs natin. Huwag nating limitahan. Sapagkat sila naman po ay may special permit o may prangkisa. Mas makatutulong po sa atin yan,” paliwanag ni Rivera.

 

(Toni Tambong)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.