Thailand maniningil na ng $9 entry fee sa mga turista simula Abril
Spread the news on:

Maniningil na ang Thailand ng $9 (460 pesos) na entry fee sa bawat dayuhang bibisita sa bansa simula Abril, ayon sa opisyal.

Ito ay sa kabila ng patuloy na pagpapalakas muli ng bansa sa sektor ng turismo na naapektuhan ng COVID-19.

Bago ang pandemya ay nasa 40 milyong turista ang bumibisita sa Thailand kada taon, pero ayon sa report ng Al Jazeera, bumagsak ito sa 106,000 dayuhang turista sa unang sampung buwan ng 2021.

Ang nasabing $9 entry fee (300 baht sa local currency) ay isasama na sa airfare, paglilinaw ni government spokesman Thanakorn Wangboonkongchana.

“Revenues will be used for foreign tourists’ insurance coverage and infrastructure improvement for sustainable tourism,” ani Tourism Authority of Thailand governor Yuthasak Supasorn sa AFP.

Sa pagtataya ng Ministry of Tourism and Sports, papalo sa $39 billion hanggang $54 billion ang tourism revenues ngayong taon.

$24 billion nito ay inaasahang manggagaling sa foreign travelers.

Nasa limang milyong dayuhang turista ang inaasahang bibisita sa Thailand ngayong 2022, pero maaaring umabot ito sa 15 milyon kung tataas ang arrivals mula sa Tsina, India at iba pang katabing bansa.

Sa ngayon, kailangan munang manatili sa isang lugar ang mga bakunadong turista sa loob ng pitong araw pagdating sa Thailand.

Kapag nagnegatibo sila sa COVID-19 test, saka lang sila maaaring makabyahe kahit saan man sa bansa.

Para naman sa hindi bakunado, kailangan nilang mag-quarantine nang 10 hanggang 14 araw.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.