Ulat na may shortage ng paracetamol, pinabulaanan ng DOH
Spread the news on:

(Photo: Christian Heramis)

Walang   “ongoing shortage” o nangyayaring kakulangan sa mga paracetamol o iba pang gamot sa ating bansa.

Ito ang tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko sa  gitna ng mga alegasyon at ulat ng umano’y kakulangan sa supply ng paracetamol at iba pang gamot para sa mga “flu-like” na sintomas.

Kasabay nito ay umapela ang DOH sa publiko na huwag mag-hoard, mag-panic buying o bumili ng mga gamot nang hindi naman “clinically warranted” o lubos na kinakailangan.

Ayon sa DOH, agad nilang kinonsulta ang major drugstore chains at mga local manufacturer at suppliers ukol sa estado ng supply ng mga nabanggit na produkto.

Bagamat may mataas umanong demand ngayon para sa paracetamol at mga kahalintulad, wala umanong shortage, habang may generic alternatives naman sa merkado at available o mabibili sa maraming drug stores sa buong bansa.

Siniguro din ng DOH na patuloy silang  nakamonitor sa sitwasyon at supply ng mga critical medicine para sa COVID-19, kasama ang mga supportive medicines para sa symptomatic treatment.

Dagdag ng DOH, ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Food and Drug Administration o FDA at Department of Trade and Industry o DTI ay gumagawa ng mga paraan upang matiyak ang mga kinakailangang produktong pangkalusugan para sa patuloy na pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Tiniyak din ng Department of Trade and Industry sa publiko na sapat ang suplay at walang shortage sa paracetamol sa bansa.

“Wala po kaming natatanggap na report on the shortage,” ani Sec. Ramon Lopez.

 “Lalo na iyong mga paracetamol, wala po. Ang dami ho niyan at saka ang dami pang generics niyan, so hindi po concern iyon,” giit pa ng kalihim.

Sa kabila naman ng paniniyak ng DOH at DTI, ang pharmaceutical firm na Unilab ay umamin na “out of stock” ang ilang brand ng kanilang mga gamot sa ilang mga drug store dahil sa napakataas na demand.

Sa ngayon, ayon sa Unilab, inaasikaso na nila ang pag-replenish ng stock ng mga gamot.

(Jocelyn Domenden with report from Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.