Mahigit 500 election hotspots,  babantayan ng PNP
Spread the news on:

Babantayan ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit 500 lugar sa bansa na ikokonsiderang election hotspots.

Sinabi ni PNP Acting Director for Intelligence Police Brigadier General Michael John Dubria na kabilang sa election hotspots ang 488 bayan at 58 siyudad.

Ayon pa kay Dubria, ang election hotspot list ay may apat na kategorya.

Ito ang Green, Yellow, Orange at Red.

Pero, wala pang inilabas si Dubria na tukoy na bayan at syudad.

Sa kabilang banda, sinabi ng opisyal na ang mga lugar sa ilalim ng red category ang kanilang mas tutukan.

“The good thing about this is under the red category, we have only 3% out of the total 1,438 number of towns in the country and we also have 5% of 146 cities in the country. So, ‘yun lang ‘yung figure natin translated into just 39 towns and seven cities na pinaka-typical natin na binabantayan,” pahayag ni Dubria.

Kabilang sa ilalim ng red category ang mga lugar sa Cagayan Valley (Region 2), Central Luzon (Region 3), Bicol Regon (Region 5), Western Visyas (Region 6) at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Base pa sa Commission on Elections (Comelec), ang mga lugar na nasa ilalim ng Red category ay may grave concern dahil may karahasan na may kaugnayan sa halalan at may partisipasyon ng domestic terror groups kung saan ang lugar ay idedeklarang kontrolado ng Comelec.

Ang mga nasa yellow category naman ay may karahasan na may kaugnayan sa halalan, pagkakaroon ng matinding partisan at political rivalry pero walang partisipasyon ng domestic terror groups.

Sa orange category, nakasaad ang seryosong banta ng domestic groups at ibang armed groups.

Samantala, ang Green category ay walang security concern, mapayapa at maayos ang eleksyon.

Paglilinaw ni PNP chief Police General Dionardo Carlos na nirerebyu pa ang nasabing datos sa tulong ng Joint AFP-PNP Intelligence Committee (JAPIC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

“‘Yung pagbabantay natin during the election period, on how we collectively make sure that they cannot be an area of concern, doon tayo magbabase –’yung tulong-tulong na pagbabantay to make sure these areas will not be an area of concern at ‘yung mga green will stay green, ‘yung yellow will make it to green areas,” pahayag ni Carlos.

“Ako ang intention ko is to forward deploy all available personnel and just maintain a small number of quick reaction force even at the Reactionary Standby Support Force (RSSF) para makita namin, let’s say ARMM, how concerned are we going to be come May 9?” paliwanag pa ni Carlos.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.